"Yes, kaya we really made a promise na hindi kami mai-in love sa isa't isa. Dahil mahirap po magtrabaho kapag may lovelife-lovelife. Happy naman kami at enjoy naman sa trabaho," says Erich Gonzales about her longtime screen partner Enchong Dee, her leading man in Maria la del Barrio.

Photo: Noel Orsal

Sa dami na ng pinagsamahan na mga proyekto nina Erich Gonzales at Enchong Dee bilang magkapareha, hindi pa ba dumating ang pagkakataong nahulog sila para sa isa't isa?

Matapos ang pagtatambal nila sa dating pang-hapon na teleseryeng Katorse (2009), muling nagkatrabaho ang dalawang Kapamilya stars sa Tanging Yaman (2010). Pagkatapos nito ay naging bahagi sila ng dating primetime series na Magkaribal (2010). 

Naging bida rin sina Erich at Enchong sa mga pelikulang Paano Ko Sasabihin (2009) at I Do (2010).

Ngayon, muling magsasama ang dalawang young stars sa local adaptation ng Mexicanovela na Maria la del Barrio ng ABS-CBN.

Sa kabila ng mga ito, siniguro naman nina Erich at Enchong na hindi pa umaabot sa totoong buhay ang pagiging magka-loveteam nila.

"Napag-usapan na namin ito na kahit anong mangyari, trabaho lang muna talaga," sabi ng binatang aktor sa press conference ng programa kanina, Hulyo 27, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN Compound, Quezon City.

Dagdag pa niya, "Kasi mahirap kapag nahaluan, e."

"I think [Erich] can agree with me na kapag may problema kami, kahit isang eksena lang ang ginagawa namin, mararamdaman ng direktor na may problema kami."

Sumagot naman ang bida ng Maria la del Barrio, "Yes, kaya we really made a promise na hindi kami mai-in love sa isa't isa.

"Mahirap po magtrabaho kapag may lovelife-lovelife. Happy naman kami at enjoy naman sa trabaho."

Sa kabila nito, hindi naman itinanggi ng dalawa na hindi impossible na ma-in love sa isa't isa.

"Napaka-lovable naman ni Enchong," nakangising sinabi ni Erich sabay tingin sa kanyang katabing si Enchong.

Para naman kay aktor, na gaganap bilang Luis Fernando dela Vega sa teleserye, "Sa akin, hindi naman talaga natin masasabi.

"Baka sabihin natin na hindi, hindi talaga. Tapos malaman ninyo kami na. Baka sabihin ninyo mga palaka kami.

"Kaya ano, dapat hindi nagsasalita ng tapos kasi hindi n'yo malalaman ang bukas."