"Very unexpected po kasi three months pa lang po ako nag-aartista, pero ang daming shows na ibinibigay nila sa akin," says Teejay Marquez.

Photo: Noel Orsal

Kasama ang baguhang young actor na si Teejay Marquez sa bagong danserye ng GMA-7, ang Time of My Life. 

Ayon kay Teejay, bata pa lang siya ay gusto na niya talagang mag-artista.

"Kaya lang nung bata ako, ang payat ko at iba yung hitsura ko. Kaya feeling ko noon, hindi ako bagay na mag-artista, kahit may mga nagsasabi noon na bakit di ko raw subukang mag-artista.

"Bukod pa sa laki akong probinsiya... Taga-Plaridel, Bulacan po kasi ako. Kaya alam ko na mas mahirap.

"Kasi wala naman akong kakilala at hindi naman ako anak ng artista o may kamag-anak na artista, kaya ang pagko-commercial na lang ang pinasok ko.

"'Tsaka ang pagkakaalam ko kasi dati, karamihan kasi ng mga nagiging artista, yung mga sumasali ng artist search, tulad ng StarStruck.

"Baka kasi sa pagko-commercial, mapansin ako at kunin akong artista katulad ng ibang commercial models na naging artista.

"'Tsaka sa pagko-commercial po kasi, mas lumakas ang loob ko na baka puwede nga po ako mag-artista.

"Dito rin ako natuto na manamit ng maganda, umarte, at makisalamuha sa iba't ibang taong nakakasama ko sa VTR hanggang sa shoot ng commercial," lahad ni Teejay sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Hindi pa raw nasusubukan ni Teejay na sumali sa anumang artista search o reality shows.

"Kasi nahihiya pa po ako noon. Bukod pa sa wala naman akong kakilala na tutulong sa akin," sabi niya.

Paano siya napasok bilang artista?

"Bale yung handler ko, ipinakilala ako sa manager ko ngayon, na ipinakilala naman ako kay Kuya Germs Moreno.

"Isinama ako sa Walang Tulugan bilang teen co-host at doon po nagsimula ang lahat. Kung saan nati-train kaming mag-host, kumanta, umarte sa mga skit, at sumayaw.