Bilang boyfriend sa totoong buhay at leading man ni Cristine Reyes sa seryeng Reputasyon ng Kapamilya network, si Rayver Cruz ay hiningan ng reaksyon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal] sa totoong kundisyon ng girlfriend na nasa hospital.
May katotohanan ba ang lumabas na mga balita na meningitis ang na-diagnose na karamdaman ng aktres.
"Meningitis? Di ko pa masabi, e. May mga hinihintay pang mga results mula sa ibang ospital din.
"So, malalaman n'yo naman," sabi ni Rayver nang makausap namin siya kahapon, August 21, sa ASAP Rocks.
Tiniyak naman ni Rayver na nasa maayos na kalagayan si Cristine, bagamat hanggang ngayon ay wala pang naibibigay talaga na findings ang doctor sa hospital kung saan naka-confine ang kanyang girlfriend.
"Ngayon, okay na siya. May mga hinihintay pang mga results.
"Pero sa ngayon, she's recovering naman.
"Pag walang work nandun ako. Pati family ko dumadalaw din kay AA [palayaw ni Christine].
"Dun sa mga nagwu-worry," patuloy ni Rayver, "huwag silang mag-alala.
"Malakas na si AA, anytime, makakalabas na siya. Abangan ninyo, di naman siya ganun katagal na nawala."
SHE'S BETTER NOW. Sa ngayon ay medyo nakahinga na nang maluwag si Rayver sa kalagayan ng girlfriend. Pero aminado siya na sobra talaga siyang nag-aalala nung una.
"Nung una, siyempre. Tapos hinigpitan din na walang masyadong mga bisita na dadalaw para makapagpahinga talaga siya.
"Ngayon, medyo maluwag na. Nakakabisita na ngayon. Okay naman siya."
Ayon pa kay Rayver, nalulungkot at naiinip na si Cristine sa halos isang linggo na rin nitong pamamalagi sa ospital.




0

