Bagamat nakatanggap ng magagandang feedback mula sa nauna nilang pelikula, inamin ng tambalang Gerald Anderson at Sarah Geronimo na nakakaramdam pa rin sila ng pressure sa bagong proyektong ibinigay sa kanila.

Photo: Noel Orsal

Muli na naman magtatambal sila Sarah Geronimo at Gerald Anderson matapos ang successful movie nila together, Catch Me... I'm in Love, na lumabas noong Marso nitong taon.

Kagabi, August 22, lumabas ang panayam ng Showbiz News Ngayon kina  Sarah at Gerald sa naganap na story conference ng kanilang upcoming movie.

Dito'y inamin nilang pressured pa din sila sa bagong proyektong ito, bagamat maganda ang feedback sa naunang pelikula nila.

"Lahat po ng proyektong ibinibigay sa amin laging may pressure," pag-amin ni Gerald.

Gayunman, siniguro naman ng dalawa na ibibigay nila ang kanilang best sa naturang pelikula.

Sabi ni Gerald, "Gagawin po namin ang lahat para pagandahin, para maging successful din itong bagong movie namin."

Dagdag pa ni Sarah, "Katulad nung previous ano namin, project namin, basta bibigay lang namin yung best namin, bahala na si Lord, and sana ma-appreciate ng viewers."

Pero kahit pa nagkatrabaho na sila noon, aminado si Sarah na kahit papaano'y naiilang pa din siya sa kanyang leading man na si Gerald.

Paliwanag ni Sarah, "Ang ilangan naman kasi ano, e, minsan hindi rin mawawala yun. Babae ako, lalaki siya ganun, di ba?

"Pero ayun, mas kumportable kami sa isa't isa ngayon."

Pero giit ni Gerald, dahil sa panibagong proyekto na ito'y mas magiging "malalaim" pa raw ang kanilang pagsasama ng Pop Princess.

Aniya, "Mas lumalim yung pagsasama namin. Of course, nag-i-start na kami ng bagong movie namin, yun, matagal yung panahon na magkasama kami.

"Excited po kami for the shooting."

ROSENDA. Kasabay ng panayam na ito kala Gerald at Sarah, inalam na din ng naturang show kung totoo bang si Sarah ang magbibida sa remake ng pelikulang Rosenda.