[x]

 

Ayon sa mga eyewitness sa loob ng Manila Peninsula Hotel, una daw sinakal ni Matteo Guidicelli (left) si Coco Martin (right) na nanlaban, kaya nasuntok niya ang rumored boyfriend ng aktres na si Maja Salvador.

Photo: Noel Orsal

Matagal nang usap-usapan sa showbiz ang diumano'y pagseselos ni Matteo Guidicelli kay Coco Martin dahil sa iisang babae na nali-link sa kanila—si Maja Salvador.

Si Matteo ang napapabalitang boyfriend ni Maja.

Samantalang si Coco ay naging co-star ng aktres sa katatapos lang na teleseryeng Minsan Lang Kita Iibigin, kung saan napapabalitang tila nagka-develop-an daw ang dalawa.

Kaninang madaling-araw, September 3, matapos ang ika-limang Star Magic Ball, na naganap sa Rigodon Ballroom ng Manila Peninsula Hotel, nagulat na lang ang mga tao nang masaksihan nila ang dalawang aktor na nagka-engwentro sa loob mismo ng hotel.

Hindi pa malinaw kung ano ang tunay na ugat ng away nina Coco at Matteo at kung paano naganap ang diumano'y pagsusuntukan ng dalawa.

Ngunit ayon sa mga eyewitness na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), si Matteo raw ang nagsimula ng away.

Ayon sa isang source na nasa Salon de Ning bar nang maganap ang insidente, sinakal diumano ni Matteo si Coco.

Nanlaban naman daw si Coco at sinuntok ang My Binondo Girl actor.

Pinatotohanan naman ito ng isa pang eyewitness na naroon sa lobby ng hotel nang maganap ang insidente.

Noong una ay inakala ng witness na naghaharutan lamang ang dalawa nang makita niyang naglalakad ang mga ito mula sa Rigodon Ballroom patungong Salon de Ning.

Nagulat na lamang siya nang makitang dumudugo na ang bibig ni Matteo matapos itong masuntok ni Coco.

Sinubukan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kunan ng pahayag si Coco nang maabutan namin siyang papalabas na ng hotel, subalit agad siyang hinila ng Star Magic head honcho na si Johnny "Mr. M" Manahan sa isang tabi upang kausapin tungkol sa nangyari.

Hindi namin narining ang buo nilang pag-uusap subalit naulinigan namin sa kuwento ni Coco na tila hinablot siya ni Matteo sa likod ng kanyang damit.

Iminuwestra pa mismo ni Coco kay Mr. M kung paano hinila ni Matteo ang kanyang damit.

Matapos mag-usap ang dalawa ay nakipag-usap naman si Mr. M kay Star Magic executive Mariole Alberto at isa pang di kilalang personalidad.