Manilyn Reyenes on getting role for Gelli de Belen because the latter moved to TV5: "Naku, hindi na dapat maging isyu 'yan. Sa edad ko, hindi ko na iniisip ke second choice ako. Ang mahalaga ay may trabaho ako, lalo na ngayong nadagdagan ang pamilya namin."

Photo: Noel Orsal

Balik-trabaho na si Manilyn Reynes pagkatapos ipanganak ang kanilang bunso ni Aljon Jimenez—si Kael Jacob—na two months old na ngayon.

Bukod sa pagbabalik niya sa taping ng Pepito Manaloto noong isang linggo, nagte-taping na rin si Manilyn para sa bago niyang show sa GMA-7—ang Daldalita, na mapapanood na simula sa Lunes, October 17.

"Nakakatuwa lang, it's really good to be back. Thankful ako sa GMA kasi nung nasa ospital ako, yung help nila, ipinaramdam nila.

"Nasa ospital din ako nung itinawag itong show, na mero'n ngang bago.

"Tapos, yung Pepito [staff] naman has been calling kung kailan ako pwedeng bumalik.

"So, nagpapasalamat po ako. Ngayon, reding-ready na akong magtrabaho.

"Pwede na akong mag-show ulit. Puwede na akong kumanta, mag-commercial, lahat-lahat," masayang pahayag ni Manilyn.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Manilyn sa presscon ng Daldalita na ginanap kagabi, October 12, sa Studio 6 ng GMA-7 Network.

PREGNANCY ORDEALS. Inamin ni Manilyn na nahirapan siya sa pagbubuntis at sa panganganak sa kanyang bunso.

Kuwento niya, "Yung last pregnancy ko, mahirap talaga. Kasi nung six months pa lang, nagka-placenta previa ako."

Ito ay sitwasyon kung saan ang placenta ay nasa pinakamababang parte ng uterus, o womb.

"So, kailangan kong magpahinga for two months. By the time na okay na ako, napaaga naman yung pag-give birth ko.

"Tapos, in-associate ko yung back pains ko, akala ko nagle-labor lang ako.

"'Yun pala may fever ako kasi may dengue ako. Nakuha ko siguro somewhere, hindi ko alam, e, before ako nag-give birth.