"Very surprised. I didn't think I have this amount of fans in the Philippines," says Mario Maurer about the reception he got from Filipino fans.

Photo: Allan Anthony Altera

Present ang PEP (Philippine Entertainment Portal) sa pagdating ng Thai superstar na si Mario Maurer sa opening ng Bon Chon, isang restaurant sa Quezon City, kanina, October 26.

Punong-puno ng tao ang naturang restaurant, at kahit sa labas ay may mga fans na talagang naghintay para masilayan si Mario.

Sa maikling panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press ay naipahatid ni Mario ang kanyang pagkagulat sa dami ng kanyang fans sa Pilipinas. Kahit kasi sa airport ay may sumalubong na sa kanya.

Saad niya, "Very surprised. I didn't think I have this amount of fans in the Philippines."

Nasa Pilipinas si Mario para asikasuhin ang kanyang endorsement with Penshoppe, at para sa nababalitang pelikula niya sa Star Cinema.

Kinumpirma rin ni Mario na totoo ngang may gagawin siyang pelikula para sa Kapamilya film outfit, at makakatambal niya nga si Erich Gonzales.

Hindi pa raw niya nakikilala si Erich, ngunit "looking forward" na raw siyang makita ang young actress.


Suddenly It's Magic ang working title ng pelikula, at karamihan ng shots nito ay sa Thailand gagawin.

Para paghandaan ito ay pumirma na rin si Mario ng one-movie contract with Star Cinema.

Unang nakilala si Mario sa Pilipinas noong 2007 sa pelikulang Love of Siam, na kasama sa Cinemanila Film Festival noong taong iyon. Nanalo siya ng Best Actor award para rito.