"Sa simula pa lang, sinasabi ko na, 'I-claim na natin ang victory, i-claim na natin ang success, i-claim na natin lahat, todo. Sabi ko, wag na nating sabihing, 'Sige, okey na hanggang ganito lang, wag na.' Kasi baka mamaya, marinig ng Diyos, yun na lang ang ibigay. Basta ang feeling ko, kakabog talaga ang movie na 'to," enthuses Vice Ganda about his movie Praybeyt Benjamin.

Photo: Noel B. Orsal

Biro ng komedyante at talent manager na si Ogie Diaz sa alaga niyang si Vice Ganda, kung sakaling kabugin nga ng Praybeyt Benjamin ang kasalukuyang Philippine all-time box-office movie na No Other Woman, malamang na may "este" sa title na ibibigay kay Vice ang Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation (GMMSF).

Ang GMMSF ang organisasyon na nagbibigay-parangal sa mga artista ng pelikulang kumita nang malaki sa loob ng isang taon.

"Meron ng 'este' sa title niya sa Guillermo. 'The New Box-Office Queen Este King," sabi ni Ogie sa pamamagitan ng text sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Maya-maya pa, nang katanghalian ay nakausap na ng PEP si Vice Ganda mismo sa pamamagitan ng cellphone at hiningan ng reaksyon tungkol sa nakakagulat na pagtabo sa takilya ng pelikula niya.

Ayon kasi sa report na na-publish sa spot.ph (CLICK HERE for story), naka-P200 million na ang Praybeyt Benjamin sa unang walong araw pa lang nito.

Maaari raw tuloy malagpasan pa ng Praybeyt ang No Other Woman, kung saan bida ang TV co-host niyang si Anne Curtis, si Cristine Reyes, at ang leading man na si Derek Ramsay.

Kumita ng P282 million ang No Other Woman matapos ang isang buwang pagpapalabas nito.  

"Sa simula pa lang, sinasabi ko na, 'I-claim na natin ang victory, i-claim na natin ang success, i-claim na natin lahat, todo.'

"Sabi ko, wag na nating sabihing, 'Sige, okey na hanggang ganito lang, wag na.'

"Kasi baka mamaya, marinig ng Diyos, yun na lang ang ibigay.

"Basta ang feeling ko, kakabog talaga ang movie na 'to," simula muna ni Vice.

Pero inasahan ba niyang puwedeng maging top-grossing movie sa history ng Philippine Cinema ang pelikula niya?

"Honestly, hindi. Alam kong maghi-hit ang movie, pero hindi ganung kalala!"

Nakakagulat daw na sumobra sa expectations nila ang Praybeyt Benjamin, na noo'y inaasahan niya lang na malagpasan ang nauna niyang pelikulang Petrang Kabayo.