"Officially today, hindi na po ako ang manager ni Vice. Ang ABS na po," announces Ogie Diaz (main photo) on his online show Vibes Tayo today, confirming the rumors that he is no longer Vice Ganda's (inset) manager. The box-office comedian is now handled by Deo Endrinal, ABS-CBN business unit head.

Photo: Noel B. Orsal

Pakiusap ni Ogie sa mga nakatutok sa kanyang podcast, dapat intindihin na mutual agreement nila ni Vice ang kanilang paghihiwalay at hindi dapat kainisan ang dati niyang alaga.

Patuloy pa rin naman daw silang magtatrabaho ni Vice, dahil hanggang February ang mga trabahong tinanggap ng Showtime host/permanent judge sa kanya.

Makakatanggap pa rin daw siya ng mga porsiyento mula sa mga trabahong ibinigay niya kay Vice, pero hindi na raw siya tatanggap ng higit pa sa buwan na iyon.

"Ibibigay ko na lang po sa ABS yung mga yun," ani Ogie.

FRIENDSHIP NOT AFFECTED? Sinabi rin ni Ogie na hindi naman siguro maaapektuhan ang pagkakaibigan nila ni Vice dahil sa nangyaring ito.

"Pero siyempre, kahit konti, meron na kami nung...kahit konti meron nang...nakakahiya.

"Na hihingi ako ng advice sa kanya o hihingi siya ng advice sa akin. Medyo may ano na yun.

"Hindi na rin kami madalas na magkikita."

May nagtanong daw sa kanya kung mag-aalaga pa rin ba siya ng talent na bakla.

"Oo naman. Kasi ang gusto kong ipakita, talented ang mga bakla," sagot ni Ogie.

Patuloy pa rin daw siya sa pagdiskubre ng magagaling na talents na hindi lang sa comedy bars makikita.

"Puwedeng sa mga school plays, kahit saan," aniya pa.

Patuloy pa rin daw siyang magma-manage ng talents na tulad nina Marissa Sanchez, Boom Labrusca, Lloyd Zaragoza, at Paolo Serrano.

At ang bilin niya rin sa mga ito, since hindi nga raw uso sa kanila ang written contract: "Hoy kayo, ha. Wala tayong kontrata lahat.

"Basta kung maisipan n'yong magpaalam na sa akin, just let me know and I will let you go.'"