"Hinding-hindi ko kalilimutan ang indie kasi diyan ako nagsimula, nabigyan ng break, at diyan ako nirespeto bilang isang aktres ng mga taga-ibang bansa. Sana lang mas mapansin na at mas tangkilikin na ng mga Pilipino ang indie movies ngayon," says Mercedes Cabral at the presscon of the indie movie Crossroads.

 

 

Photo: Noel Orsal


 
Hindi raw titigil sa paggawa ng indie movies si Mercedes Cabral—ang tinaguriang "Princess of Indie"—kahit pa raw dumating ang panahong maka-crossover siya nang tuluyan sa mainstream projects sa pelikula at telebisyon.

"Hinding-hindi ko kalilimutan ang indie kasi diyan ako nagsimula, nabigyan ng break, at diyan ako nirespeto bilang isang aktres ng mga taga-ibang bansa.

"Sana lang mas mapansin na at mas tangkilikin na ng mga Pilipino ang indie movies ngayon," sabi ni Mercedes sa presscon ng pelikulang Crossroads.

Maraming indie films na ang nagawa ni Mercedes na naipalabas dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Ilang beses na nga siyang nakadalo sa mga international film festivals, katulad ng prestihiyosong Cannes Film Festival sa France, dahil sa kinabibilangan niyang indie movies, gaya ng mga obra ni Direk Brillante Mendoza na Serbis at Kinatay.


 
CROSSROADS.
Muling ngang mapapanood sa isang indie movie si Mercedes, ang Crossroads, produced by the Commission on Population (Popcom) in cooperation with Integral Media Inc.

Ang Popcom ang advocating arm ng population program ng pamahalaan na may layuning magpalaganap ng kamalayan hindi lang sa mga matanda kundi pati sa mga kabataan pagdating sa usapin ng populasyon.

Kamakailan lang, naisip ng Popcom na kontakin ang Integral Media Inc. upang gumawa ng isang pelikulang kapupulutan ng impormasyon at aral ng mga kabataang Pinoy.

Ayon sa direktor ng pelikula na si Charliebebs "Bebs" Gohetia, "Ang Crossroads ay kuwento ng kabataan at kanilang mga problema sa kaibigan, sa pamilya, at sa pakikipagrelasyon.

"Ang characters sa pelikula ay parang magko-'crossroad' sa istorya.

"Ang bawat isa ay representation ng youth problems—maagang pagbubuntis at epekto nito, pakikiharap sa magulang, teenage crushes, droga at sex.

"Ang Crossroads ay isang educational film na naglalayong makatulong sa kabataan kung papaano nila maiiwasan ang mga nasabing youth problems.

"Pero dahil seryoso at mabigat ang tema, ginawa kong light comedy ang atake," ayon kay Direk Bebs.


THEATRICAL RELEASE. Ginagampanan ni Mercedes ang role ni Melai, isang kolehiyalang nagbebenta ng aliw at may lasenggang ina.

Kasama niya sa pelikula sina Felix Roco, Joseph Bitangcol, Sue Prado, Aleera Montalla, Zoe Sandejas, Yohann Alcantara, Hannah dela Guerra, Natasha Cabrera at Christian Rainier Veron.

Sa ngayon hindi pa malinaw kung magkakaroon ng theatrical release ang Crossroads.

Gusto kasi ng Popcom na mauna itong maipalabas sa mga paaralan para direkta nilang maipahatid ang mensahe ng pelikula sa target audience nilang mga estudyante at kabataan.