Habang papalapit ang Metro Manila Film Festival ngayong Disyembre, papainit naman ang promotion ng pitong pelikulang kasali.
Tinatayang mangunguna sa takilya ang Ang Panday 2 na pinagbibidahan ni Bong Revilla dahil ginastusan ang visual effects nito.
Pero, marami rin ang humuhulang malamang ang Enteng ng Ina Mo ang mag-number one kasi magkasamang puwersa sina Vic Sotto at Ai Ai de las Alas na kilalang malakas ang hatak sa takilya tuwing MMFF.
Medyo may katagalan na ring walang pelikulang aksiyon na nakakasali sa MMFF kaya, dapat din daw bantayan ang entry ni Gov. ER Ejercito na Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga.
Ipinagmamalaki ng nabanggit na pelikula na ginastusan ito ng 70 milyong piso.
Huling Shake Rattle & Roll na raw ang ika-labingtatlo ng nasabing movie franchise kaya malamang na dayuhin din ito ng mga manonood.
Ang My Househusband: Ikaw Na! naman ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ay walang dudang pampamilya at subok na rin ang hatak nila kung ang pagbabasehan ay ang nauna nang pinagsamahan nilang Kasal, Kasali, Kasalo at Sakal, Sakali, Saklolo.
Pahuhuli ba ang Queen of Horror movies na si Kris Aquino sa kanyang pelikulang pambato na Segunda Mano? Idagdag pang bago ang tambalan nila ni Dingdong Dantes.
Star-studded naman ang Yesterday Today Tomorrow ng Regal Films na pinangungunahan ng Diamond Star na si Maricel Soriano.
Pagbabalik ito ni Maricel sa paggawa ng pelikula matapos ang pinakahuli niyang ginawa na T2 kaya malamang ay sabik ang kanyang mga tagahanga na mapanood siya sa puting tabing.
PRESSCON HIGHLIGHTS. Sa kabi-kabilang presscon naman, iba't ibang intriga ang umuusbong at napag-uusapan.
Medyo humupa na ang balita tungkol pagkakapaslang sa half-brother ni Bong na si Ramgen Revilla, pero di pa rin maiwasang matanong ang actor/politician tungkol dito.
Sa gitna ng mga pagtatangkang tanungin si Bong sa nasabing kaso, ngiti lang ang isinusukli ni Bong at pagbanggit sa merito ng kanilang pelikula ang naisasagot.
Sa presscon nina Judy Ann at Ryan, nalinaw nila ang "road encounter" nila sa isang reporter kamakailan. Naging daan din ang nasabing presscon ng kanilang pelikula para maipaabot ng mag-asawa ang kanilang apology sa nasabing reporter.
Hindi nakaiwas si Vic Sotto sa mga tanong tungkol sa bagong "first lady" raw ng kanyang puso na si Pauleen Luna. Mismong ang katambal na si Ai-Ai ang nagpahaging tungkol dito sa kanilang presscon.
Kapansin-pansing laging wala ang leading lady ni Gov. ER Ejercito sa lahat ng press conferences para sa kanilang pelikula kaya 'di na ito nagpatumpik-tumpik pa na banggitin ang dahilan.
Ayon sa actor/politician, pinagbabawalan daw ang aktres ng Regal Films kung saan siya kontratado na mag-promote ng Asiong Salonga, na mariin namang pinabulaanan ng panig ni Mother Lily Monteverde.
Sa Shake Rattle & Roll 13, ipinaalam ni Eugene Domingo na sa float ng nabanggit na pelikula siya sasakay para sa parade ng MMFF. Ito ay sa kabila ng pagiging kasali niya sa dalawa pang entries na Enteng Ng Ina Mo at My Househusband: Ikaw Na!
(CLICK HERE to visit PEP's microsite of the Metro Manila Film Festival)
