An energetic Nora Aunor graced the press party tendered by TV5 Kapatid network last December 5 at the Decagon (near Tiendesitas), Pasig City.
Isa ng Kapatid talent, nagpaunlak ang Superstar na dumalo at maging main judge sa ginanap na Chorale Singing Contest ng mga miyembro ng local movie press.
Tuwang-tuwa si Nora sa mga nakitang familiar faces sa movie press, na ang naging grand winner ay ang Supsupranos, na kinabilangan nina Rey Pumaloy, Ambet Nabus, Glen Sibonga, Ronnie Carrasco III, at Leo Bukas.
Malapit si Nora sa karamihan ng miyembro ng local press mula pa noon.
Kaya ang pakikipag-diwang niya sa naturang okasyon ay hindi na bago, kung tutuusin.
Madalas, noong kabataan ng singer-aktres, ang kanyang pa-party at pamimigay na regalo sa mga taga-media ay pinag-uusapan at nagiging dahilan ng matinding tuwa ng mga manunulat.
Bagay na ikinasisiya rin ni Nora.
"Iba ang nararamdaman ko 'pag nakakapagpasaya ako ng mga tao, lalo tuwing Pasko," nabanggit ni Nora sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa isang panayam.
Sa press party naman ng TV5, tinanong din si Nora kung ano ang Christmas wish niya ngayong taon.
"Sana, magmahalan tayong lahat," sambit ng Superstar.
Kaya naman nang gabing 'yon, hindi lang binati ni Ate Guy ang mga kaibigan niyang press, hinalikan at niyakap pa niya ito.
Maging ang mga miyembro ng press na napabalitang kaalitan ni Nora Aunor ay kanyang nilapitan, niyakap at binati ng "Maligayang Pasko!"
"Christmas naman, masaya siya," sabi ni Kuya Boy (Palma), Nora's personal manager and schedule master, hinggil sa naging gesture ni Ate Guy.
Pero wala munang pagbanggit si Boy Palma tungkol sa maselang issue na sangkot pa din ang miyembro ng press (Aster Amoyo).
May kinalaman ito sa pina-planong isampang kaso sa bansa ni Ate Guy, laban sa Japanese owned (Shinagawa) clinic na naging sanhi ng pagkasira ng kanyang tinig ilang taon na ang nakakaraan.
Ayon sa pinakahuling ulat, uunahin muna ni Ate Guy ang pagpapa-opera, sa Boston, early next year, bago niya harapin ang tungkol sa pabubuksang kaso.
Marami nang nakausap na mga abugado ang Superstar para siya tulungan.
Sa Enero 5 nakatakdang umalis si Ate Guy patungong Boston; sa Enero 9, 2012 naman naka-schedule ang kanyang operasyon.
MVP BALL. Nauna rito, dumalo si Ate Guy, noong December 1, sa ginanap na "MVP Christmas With a Hundred Stars" hosted by TV5 Chairman, Manuel V. Pangilinan, sa NBC Tent, The Fort, Taguig City.
Isa itong red-carpet event na akma sa kasalukuyang estado ng istasyon, bilang isang fast-growing network.
Bukod kasi kay Ate Guy, nasa TV5 na rin ang iba pang malalaking artista, tulad nina Aga Muhlach at megastar Sharon Cuneta na ngayong taong 2011 napa-pirma ng kontrata ng network.
Happy network ang taguri ngayon sa TV5 Kapatid station.
Sa okasyong 'yon, Chairman MVP was said to have remarked, "Maraming salamat, na kahit bago pa lang kami, e buong puso ninyong pinagkatiwalaan ang Happy network!"
Isa si Nora Aunor sa mga naiulat na lalong nagpaningning ng gabi, sa kanyang pagdalo.
"Alam mo naman ang aking pasasalamat sa TV5 dahil sa kanilang suporta," muling nabigkas ni Nora, bilang pagbati pagdating niya sa venue.
Naka-orange gown si Ate Guy nang dumalo siya sa party; ang gown niya ay likha ng designer na si Nonon Palmos.
Maraming kuwento si Boy Palma sa PEP tungkol sa iba pang naging kaganapan sa nasabing big event ng TV5.
"Ang ganda ng mood ni Guy, kasi napaka-friendly ng lahat sa kanya," bungad ni Boy Palma.
"At lahat talaga niyakap niya, including Direk Joel Lamangan.
"Ang saya niya kagabi. Pati sina Aga [Muhlach] at Tonton [Gutierrez], yakap nang yakap sa kanya.
"Tapos, nagkita sila nina Eula [Caballero], Nadine [Samonte] at Alwyn [Uytingco], 'Nanay' pa rin ang tawag sa kanya," kuwento pa rin ni Boy P.
Hindi nakarating ang actor na si Edgar Allan Guzman, isa ring "anak-anakan" ni Ate Guy.
Nagkita rin, after a long time, sina Nora at Sharon Cuneta.
"Nakatalikod si Sharon, nilapitan at niyakap ni Guy. 'Yon na [ang simula], chika na sila."
At sina Lorna Tolentino at iba pang bagong aktres ng Kapatid network, nakipag-bonding din with Ate Guy!
"Tsika sina Guy at Sharon; pati si LT [Lorna Tolentino]!" sabi rin ni Boy.
"Si Ruffa Gutierrez, nagpa-picture pa sa kanya. Lahat yata nagpa-picture [including Cristine Bersola-Babao].
"Grabe si Guy... siya talaga ang nilalapitan ng mga artista. Makikita ang respeto sa kanya ng lahat. Legend talaga siya!"
'TAMPUHAN' WITH SOME PRESS FRIENDS, INDIE DIRECTOR. Bago nagtapos ang kanyang mini-serye, Sa Ngalan Ng Ina, nuong Oktubre, nagkaroon naman ng munting samaan ng loob, o "tampu-tampo" kay Nora ang ilang miyembro, o maliit na sektor ng local movie press.
Nag-ugat 'yon sa isang "pangako" ng pakiki-bonding din ni Ate Guy, na hindi natuloy.
Naiulat na ang naging dahilan ay ang hindi magandang takbo ng kalusugan ng Superstar, na dalawang beses nagpa-confine sa Cardinal Santos Hospital (nuong Oktubre at Nobyembre).
Naroon pa rin ang sama ng loob ng ilan sa Superstar.
Mayroon ding nagtampong indie director kay Nora, dahil nai-plano agad ni Nora ang pagpu-produce ng isang indie movie, na tatampukan ng kaibigan niyang actor-rapper na si John Rendez.
Nang hindi masunod ang time table na, ayon kay Guy, ay hindi pa naman definite, tila naging dahilan na yon ng mga hinampo.
"Nag-usap kami [ng indie director, Deo Fajardo], pero pipilitin ba nila ako kung hindi pa ako handang mag-produce?"
To top it all, nagtampo, diumano, si German Moreno kay Nora, ugnay sa pagpirma ng Superstar ng three-year contract sa TV5.
Hindi na-represent si Kuya Germs sa naturang contract signing, ngunit malinaw naman ang usapan nila ni Guy hinggil sa pagiging manager-adviser pa rin ni Kuya Germs kay Nora.
Tungkol sa mga nabanggit na issue ay nagpaliwanag na si Nora, sa pinakahuling interview sa kanya ng PEP.ph, at sa pamamagitan din ng text messages.
"Nag-usap na kami ni Kuya Germs," maikling banggit ni Ate Guy.
Katunayan nito'y may nakatakdang guesting uli si Nora, very soon (December 15), sa Walang Tulugan With The Master Showman
At sa umano'y "tampu-tampo" ng ibang mga taga-local movie press kay Ate Guy, ito ang kanyang pahayag:
"Kasalanan ko ba kung hindi ko lang napagbigyan ang request nila, dahil inaapura namin noon ang taping [ng SNNI], na inaabot kami ng madaling araw?
"Kaya nga na-ospital uli ako, e," banggit din ni Ate Guy, na humingi ng pang-unawa.
"Naghahanda naman ako ng munting pamasko para sa kanila. Sana huwag na silang magtampo."
Sa totoo lang, masaya si Nora Aunor ngayong Disyembre, dahil wala siyang minamadaling commitment na anuman.
Abala siya sa pagpi-prepare ng mga iaaginaldo sa mga kaibigang taga-media at sa labas nito.
Nauna na dito ang pagbibigay niya ng "pa-last day" sa mga staff at crew ng tinampukang mini-serye nang mag-last taping day sila na naging isang early Christmas Party nuong October 29.
Hinggil sa mga nagtampong taga-press, walang sama ng loob si Ate Guy. Tuloy pa rin ang pamasko niya para sa mga ito.
"Basta ako, kaibigan ko pa rin sila," huling sambit ng Superstar.