"Sobrang excited po akong makatrabaho ang Megastar at si Ms. Nora Aunor. Pangarap ko pong makatrabaho talaga sila, yung malalaking artista... and sana po ako makasama ko rin sila. Idol ko po si Sharon, gandang-ganda ako sa kanya at madalas ko siyang mapanood noon. Kaya pinapangarap ko pong makita sana siya sa personal. Sa ngayon po ay hindi ko pa rin nakikita nang personal si Ms. Sharon, e. So, kung makakatrabaho ko siya, siguradong mai-starstruck ako sa kanya, dream come true po iyon sa akin. Pati po si Ms. Nora Aunor, sana makasama ko rin siya sa isang project," says Ritz Azul.

Photo: Noel Orsal

Ayon kay Ritz Azul, marami siyang blessings na dapat ipagpasalamat sa pagtatapos ng year 2011.

Mula nang napasali sa talent search ng TV5 Star Factor last year ay nagtuluy-tuloy na ang showbiz career ni Ritz.

Para sa tulad niyang baguhan, impressive ang mga project na ibinibigay ng TV5 kay Ritz.

Bida na agad siya kasama si Arci Muñoz sa Mga Nagbabagang Bulaklak, tapos ay sinundan agad ito ng isa pang soap opera sa TV5—ang Glamorosa.

Ayon kay Ritz, "Sobrang nagpapasalamat ako, unang-una sa Diyos sa mga biyayang ipinagkakaloob Niya at siyempre ang lahat ng ito ay sa Kanyang glory.

"Nagpapasalamat din ako sa mga sumusuporta sa akin, lalo na sa inyong mga press sa walang sawang pagtulong sa akin.

"And sa blessings na dumarating sa akin, parang inspiration ito sa akin para lalo pang pagbutihin ang trabaho ko."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ritz sa Baliwag Grill, E. Rodriguez Avenue, Quezon City, last Saturday, December 10.

Patuloy ng young actress, "Maraming blessings na dumating sa akin ngayong taon, pero unexpected lahat, e.

"So, parang pakiramdam ko, parang ang hirap paniwalaan talaga na bigla na lang darating ang mga bagay na ganito.

"Kasi po from Bahrain, medyo may pera kami noon tapos biglang parang naging zero, e.

"So, mula noong bumagsak kami, itinatak ko sa isip ko na gusto ko kina Nanay at Papa na uupo na lang sila sa bahay at ako na lang ang magtatrabaho.

"Kaya lang, ayaw nila.

"Kaya ngayon po ay tulong-tulong kami talaga at nagpapasalamat ako na nakakatulong din ako sa aming pamilya.