Governor ER Ejercito on director Tikoy Aguiluz: "Gusto ko pa rin, siya ang director ko. Kung ayaw niya, siya ang mawawalan, hindi ako! Ako na lang ang nagtiwala sa kanya, e. Ako lang ang nagbigay sa kanya ng malaking chance na makabalik. Saka ipinaglaban ko si Direk Tikoy sa mga producers ko. Ipinaglaban ko si Direk Tikoy."

Photo: Sany Chua

"Pero ang editing, hindi niya linya ang editing. Ang music, hindi niya linya. 

"Pero bilang director sa visuals, ang galing ni Direk Tikoy!"

Anim na shooting days pa lang daw ang natatapos nila sa El Presidente, mula sa tinatayang 65 working shooting days na gugugulin nila sa paggawa ng nasabing pelikula.

Ilan sa mga pelikulang naidirek ni Tikoy Aguiluz ay ang mga sumusunod: Boatman (1984), Balweg (1986), Bagong Bayani (1995), Segurista (1996), Rizal Sa Dapitan (1997), Tatarin (2001), at www.XXX.com (2003).

DIREK TIKOY'S NAME WILL STAY. Malaki ang sama ng loob ni Direk Tikoy, dahil gusto na raw nitong ipatanggal ang pangalan niya sa Manila Kingpin.

Ngunit mananatili raw ang pangalan nito sa pelikula, ayon kay ER.

Saad ni ER: "Ang tinanggap na budget dito ni Direk Tikoy ay doble ng budget niya. 

"May advance rin siya sa El Presidente, kaya hindi puwedeng tanggalin ang pangalan niya. Saka ayaw niyang pumirma sa kontrata."

May sagot naman si ER sa nalamang balita na nagpaplano raw si Direk Tikoy na dalhin sa korte ang kanyang reklamo kaugnay ng pagkaka-reedit ng Manila Kingpin.

Ayon kasi sa demand letter na isinulat ng abugado ni Direk Tikoy, na si Atty. Angel Enrico Mira, Jr., gustong ipatanggal ng direktor ang kanyang pangalan sa billboards, posters, at iba pang promotional material ng pelikula.

Ipinaliwanag ni Direk Tikoy sa sulat na ang final version ng Manila Kingpin ay hindi na masasabing pelikula niya dahil sa mga pagbabagong ginawa rito.

Bukod daw kasi sa reediting ay may mga kinunan din daw na mga eksena sa pelikula nang hindi niya nalalaman at nang wala siya.

Kung hindi raw tutuparin ang kanilang mga kahilingan, ayon kay Atty. Mira, magpa-file si Direk Tikoy ng "criminal and civil charges."

"E, di pagalingan kami ng abugado!" buwelta naman ng actor-politician.

Paano kung tanggihan na ni Direk Tikoy na ipagpatuloy pa ang pagdidirehe ng El Presidente?