Bukas, December 28, ang Gabi ng Parangal ng 37th Metro Manila Film Festival. Gaganapin ito sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila, sa Pasay City.
Bukod sa mga inaabangang parangal para sa Best Festival Picture, Director, Lead Actress and Lead Actor, Supporting Actress and Actor, Child Performers, Story and Screenplay,Technical Awards, at Best Float ay ang mga Special Awards tulad ng Gatpuno Antonio J. Villegas Award at Most Gender Sensitive Film Award.
Napabalita ring may award, o special recognition, na ipagkakaloob ang 37th MMFF ngayong 2011 para sa Superstar na si Nora Aunor.
Ito ay bilang pagkilala sa mga naging kontribusyon at karangalang natamo ni Ms. Aunor, bilang bahagi ng taunang Metro Manila Filmfest simula noong 1975.
At the last minute, balitang kinansela ng Metro Manila Film Festival [MMFF] Executive Committee ang parangal kay Nora Aunor.
"Hindi na tuloy ang award ni Guy sa MMFF," pag-inform ni Boy Palma, Nora's personal manager, sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) kaninang umaga, December 27.
Guy ang bansag kay Nora.
Agad nagpadala ng mensahe si Palma upang sagutin ang mga katanungan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol dito.
"Akala daw nila, hindi puwede...[dumalo] si Guy, kaya hindi na nila itinuloy ang [pagbibigay ng] award," pambungad ni Palma, na ang tinutukoy ay ang MMFF Executive Committee.
"Si Suzette [Ranillo] daw dapat ang magbibigay ng mga details [ng awarding].
"Hinintay nila si Suzette, pero nalaman nila na umalis na [si Suzette] papuntang States, kaya kinansel ang award."
Umalis papuntang U.S. si Suzette para doon mag-Christmas kasama ang kanyang veteran actress-mom, Gloria Sevilla.
Wala pang pagkakataong makausap ng PEP ang aktres na si Suzette Ranillo, na sinabi ni Boy Palma ay siyang nagparating ng umano'y "unavailability" ni Ms. Aunor sa MMFF.
"Bakit si Suzette ang kinausap nila? Sana ako, o sinumang taga-TV5 [management]," banggit din ni Palma.
COURSE THROUGH TV5. Bilang exclusive contract artist ng Kapatid network, lagi raw ipinababatid nina Nora at ni Palma sa lahat ang nararapat na pakikipag-ugnayan sa management ng TV5.




0

