Masayang-masaya si Rocco Nacino dahil nabigyan siya ng bagong ka-partner sa isang bagong afternoon TV series ng GMA-7 ngayong 2012.
Si Kylie Padilla naman ang makakapareha niya sa afternoon series na The Good Daughter.
Natuwa raw si Rocco nang sabihan siya na si Kylie ang magiging partner niya.
Maganda raw kasi ang feedback sa dalawa nang magkasama sila sa isang guesting sa TV show.
Bagay daw sila kaya susubukan ang tandem nila sa The Good Daughter.
"Sobra po akong natuwa kasi nga hindi ko akalain na ang napakagandang si Kylie Padilla ang next na leading lady ko," ngiti pa ni Rocco nang makausap namin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa GMA Network Center.
"Matagal ko nang kilala si Kylie at iniisip ko pa lang na sana balang araw ay makatrabaho ko naman [siya] sa isang TV drama.
"Bigla ba namang nagkatotoo! Kaya salamat kay Lord sa bagong project na ito at salamat sa GMA-7 for pairing me with Kylie."
Tanong din namin kay Rocco kung hindi ba nate-threaten sa kanya ang nababalitang boyfriend ni Kylie na si Aljur Abrenica?
Hindi kaya magselos si Aljur dahil siya ang kinuhang leading man ni Kylie imbes na siya?
"Naku, kaibigan natin yang si Aljur. Hindi naman siguro siya mate-threaten or magseselos sa akin. Hindi naman gano'n si Aljur. Alam naman niyang trabaho lang ito.
"At si Aljur pa ang nagsabi na alagaan ko si Kylie kapag nagsimula na kami ng taping. Gano'n siya katiwala sa akin," diin ni Rocco.
Paano naman ang nababalitang girlfriend niyang si Sheena Halili? Hindi ba ito magselos sa anak ni Robin Padilla?
"Kilala ko si Sheena, hindi siya selosa. In fact, natuwa nga siya nang malaman niyang ako ang next partner ni Kylie.
"Very supportive si Sheena at hindi siya insecure na tao," aniya.




0

