Sa tunay na buhay, nangako si Derrick Monasterio kay Jhake Vargas na hindi niya popormahan si Bea Binene dahil meron siyang ibang napupusuan. Ito ay ang bida ng Kokak na si Sarah Lahbati.

 

 

Magiging ka-love triangle ng love team nila Jhake Vargas at Bea Binene (Jha-Bea) si Derrick Monasterio sa bagong telefantasya ng GMA-7 para sa 2012 na Alice Bungisngis and Her Wonder Walis.

Kung matatandaan ay na-link noon si Derrick kay Bea at balitang masugod na nanliligaw ito ni Bea. Nagkaroon pa raw ng samaan ng loob sila Jhake at Derrick dahil sa ginawang panliligaw nito kay Bea.

Pero sinabi naman ni Derrick na magkaibigan na lang sila ni Bea at trabaho ang gagawin nila sa show at wala nang ligawan.

"Bilang respeto ko sa love team nila Jhake at Bea, hanggang sa show lang ang love triangle namin. Hindi na sa totoong buhay!" sabay tawa pa ni Derrick nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa story conference ng Alice Bungisngis and Her Wonder Walis sa GMA Network Center.

"Tama na raw muna ang panliligaw. Trabaho raw muna tayo. Tama naman iyon," diin pa niya.

Naging mabenta kasi sa mga fans ng tween stars ang naging love triangle nila Jhake, Bea at Derrick sa tween show nila na Reel Love Presents Tween Hearts.

Kaya susubukan din ang Jha-Bea love team sa bagong show. May iba rin namang ka-partner si Derrick at ito ay si Lexi Fernandez.

Mukhang tototohanin ni Derrick ang kanyang promise kay Jhake na hindi na nito popormahan si Bea dahil meron siyang ibang gustong pormahan at ito ay ang bida ng Kokak na si Sarah Lahbati.

Pero mukhang magkakaroon ng kaagaw si Derrick kay Sarah dahil balitang nagiging close na itong si Sarah sa leading man niya sa Kokak na si TJ Trinidad.

Sanay naman daw si Derrick na may nakakasabay siya sa mga babaeng gusto niyang ligawan. Naniniwala ang aktor sa kasabihan na "may the best man win."

"Right now, kami ni Sarah, nasa  getting to know each other stage pa lang kami.

"Tsaka masyadong busy si Sarah dahil sa taping ng show niya. Ako rin naman busy din.

"Sa pag-text na lang kami nagkakausap minsan. Kumustahan lang naman.

"Okey lang naman na may nakakasabay ako. Hindi ko naman ugali ang mambakod.

"Kung sino ang may gusto, okey lang. Tulad nga ng sabi ko, may the best man win na lang, 'di ba?