Isa si Glaiza de Castro sa love interest ni Dennis sa Biritera. May image si Dennis na madaling ma-in love sa kanyang leading lady, hindi ba nagwo-worry dito ang aktres?

"Well, ngayon pa lang talaga kami magpe-pair sa isang show. Pero nakikita ko na masaya siyang katrabaho at masarap siyang kaeksena... Siguro focus na lang ako sa trabaho ko para huwag ma-sidetrack. Kasi siyempre hindi mo rin alam kung ano yung pwedeng mangyari," Glaiza says.

 

Photo: Courtesy of GMA-7

Itinuturing ni Glaiza de Castro na best Christmas present at best birthday gift niya noong Enero 21 ang pagiging isa sa mga bida ng bagong primetime teleserye ng GMA-7, ang Biritera, na mapapanood na simula sa Pebrero 6 sa GMA Telebabad.

Tinatapos pa lang daw nila ang taping ng Amaya noong Disyembre ay sinabihan na agad siya na may bago siyang project na gagawin.

Ito nga ang Biritera kung saan kasama niya sa cast sina Dennis Trillo, Angelika dela Cruz, Rich Asuncion, Ryan Eigenmann, Gwen Zamora, Neil Sese, Orlando Sol, Ken Chan, Kiel Rodriguez, Kim Komatsu, Hiro Magalona, Sweet Ramos, Barbara Miguel, Nomer Limatog at ang bagong child discovery ng GMA-7 sa title role na si Roseanne Magan.

"Kaya nga sobra akong nagpapasalamat kay Lord at sa GMA dahil pinasaya nila ang Christmas, New Year at birthday ko.

"Bago pa kasi matapos yung Amaya inuna na ni Lord yung pagbibigay ng bagong soap sa akin kaya talagang nakakatuwa," sabi ni Glaiza.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Glaiza sa presscon kagabi, Enero 27, sa Studio 7 ng GMA Network.

Paano naman niya ipinagdiwang ang birthday niya?

"Inasalto ako sa bahay namin ng mga friends ko from the church. Ganun sila every year e, inaasalto nila ako, parang nakaugalian na. 

"Tapos nandun yung mga kapatid ko, mga pinsan ko, so masaya. Tapos nung mismong birthday ko nag-Tagaytay kami."

Laptop daw ang regalo sa kanya ng mommy niya.

MUSIC IS CLOSE TO HER HEART. Gaano siya ka-excited sa bago niyang serye?

"Hindi ko ma-explain kung gaano. Pero natutuwa ako sa fact na musical siya.

"May music involved dahil nasa banda nga kami nina Dennis. E, alam naman n'yo naman na malapit sa puso ko ang music.

"Alam naman natin na kapag music ay kumukonekta agad sa mga tao. Kahit na simpleng eksena kapag idinaan sa music, idinaan sa kanta, ayun ang nae-excite ako kasi in a way nata-touch din kami."

Ayon pa kay Glaiza, nakaka-relate din daw siya istorya ng Biritera dahil noong bata pa siya ay pinangarap din niyang maging singer paglaki niya.