"This is very challenging. I make it a point naman po na sa bawat proyekto na gagawin ko, ibang Erich naman ang makikitang atake," says Erich Gonzales about her role in the TV series Maria la del Barrio, which is set to end this Friday.

Photo: Noel Orsal

"Maraming-maraming salamat po sa mga viewers na talagang nanonood every day, dahil po sa kanila, tumagal kami ng ganito.

"Walang ending ang pasasalamat namin."

MOVIE PROJECT WITH MARIO MAURER. Pagkatapos ng teleserye, magiging abala naman si Erich sa gagawin niyang pelikula kasama ang Thai heartthrob na si Mario Maurer.

Pagbibidahan nilang dalawa ang Star Cinema project na Suddenly It's Magic, na magsisimulang gawin sa Abril.

Matatandaan na noong nakaraang taon, pinag-usapan sa Internet kung sino ang dapat makapareha ni Mario sa gagawin niyang pelikula sa Pilipinas.

Isa nga sa mga pangalang lumabas para maging leading lady niya ay si Erich.

Ani Erich, "I'm just very thankful and blessed dahil alam ko na napakalaking project nito.

"I'll just do my best, 'yon naman po parati."

Nagkita na raw sila ng Thai actor nang minsang bumisita ito sa bansa noong nakaraang taon. At 'tulad ni Erich, sabik na rin daw si Mario na makatrabaho ang Kapamilya actress sa pelikula.

Sabi pa ni Erich, "We're very excited na gawin 'yong pelikula and sana suportahan ng mga manonood."

Simpleng love story daw ang magiging tema ng Suddenly It's Magic.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang dalagang aktres. Pero inilarawan niya ang magiging buod ng kuwento nito: "Kumbaga, papipiliin ka kung ano ba ang mas mahalaga sa 'yo, 'yong love ba o 'yong career. Basically 'yon, it's a very nice story."

Ang pelikula ay kukunan daw sa Thailand at dito sa Pilipinas.

Pero bago ang Suddenly It's Magic, mapapanood muna si Erich na kasama ang kapwa Kapamilya actor na si Derek Ramsay sa pelikulang Corazon: Ang Unang Aswang, na ipapalabas ngayong Marso.