Former beauty queen Maita Gomez, who joined the communist underground in the '70s, died in her sleep on Thursday afternoon, July 12, due to heart attack. Maita was one of the founders of the women's coalition Gabriela in the '80s.

Photo: Makabayan Facebook page

Isa na namang kilalang personalidad ang pumanaw—ang dating beauty queen at aktibista na si Maita Gomez.

Sumakabilang-buhay si Maita ngayong araw, Hulyo 12, dahil sa cardiac arrest.

Ayon sa report ng interaksyon.com, kinumpirma ng mga kasamahan at kaibigan ng dating beauty queen ang pagpanaw nito sa microblogging site na Twitter; kabilang na sina Bayan Muna party-list Representative Teddy Casiño at Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes.

Si Maita ay nanalong Miss Philippines-World noong 1967 at naging representative ng Pilipinas sa Miss World beauty pageant noon ding taong iyon.

Makalipas ang ilang taon pagkatapos niyang koronohan ay umanib si Maita sa kilusan ng mga komunista upang labanan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mula noon ay ginugol na niya ang kanyang buhay sa pagsusulong ng adbokasiya para sa pagbabago sa lipunan.

Si Maita ang isa sa mga nagtatag ng Gabriela women's coalition.

Siya rin ang co-chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan, na nagbibigkis sa iba't ibang party-list groups na maka-kaliwa.

Sa Facebook page ng Makabayan ay may nag-post ng ganitong mensahe kaugnay ng pagpanaw ng isa sa kanilang lider:

Lubos pong nagluluksa ang buong Makabayan sa pagpanaw ng ating taga-pangulo, kaibigan at kasamang Maita Gomez. Maraming salamat sa mga masasayang alaala, sa mga panahong nakapiling ka sa hirap ng pagkilos para sa masa. Tuloy ang ating laban! Padayon, Maita

Ibayong lungkot. Paalam, salamat at pagpupugay ... Higit sa anumang karangalan ukol sa ‘kagandahan’ ay ang karangalan na maglingkod nang tapat sa bayan "

Ayon sa isang staff ni Bayan Muna Representative Neri Colmenares, ang mga labi ni Maita ay dinala sa morge ng Manila Memorial Park sa Parañaque City.