"Gaya ng marami sa inyo, namulat ako sa panggigipit ng makapangyarihan. Labindalawang-taong gulang po ako nang idineklara ang Batas Militar. Bumaliktad ang aming mundo: Pitong taon at pitong buwang ipiniit ang aking ama; tatlong taong napilitang mangibang-bansa ang aking pamilya; naging saksi ako sa pagdurusa ng marami dahil sa diktadurya. Dito napanday ang aking prinsipyo: Kung may inaagrabyado’t ninanakawan ng karapatan, siya ang kakampihan ko. Kung may abusadong mapang-api, siya ang lalabanan ko. Kung may makita akong mali sa sistema, tungkulin kong itama ito.
"Matagal nang tapos ang Batas Militar. Tinanong tayo noon: 'Kung hindi tayo, sino pa?' at 'Kung hindi ngayon, kailan pa?' Ang nagkakaisang tugon natin: tayo at ngayon na. Ang demokrasyang ninakaw gamit ang paniniil at karahasan, nabawi natin sa mapayapang paraan; matagumpay nating pinag-alab ang liwanag mula sa pinakamadilim na kabanata ng ating kasaysayan.
"Ngunit huwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang.
"Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.
"Nariyan po ang kaso ng North Rail. Pagkamahal-mahal na nga nito, matapos ulitin ang negosasyon, nagmahal pa lalo. Sa kabila nito, binawasan ang benepisyo. Ang labingsiyam na trainsets naging tatlo, at sa mga estasyon, mula lima, naging dalawa. Ang masaklap po, pinapabayaran na sa atin ang utang nito, now na.
"Nariyan ang walang pakundangang bonus sa ilang GOCC, sa kabila ng pagkalugi ng kanilang mga ahensya. Nariyan ang isang bilyong pisong pinasingaw ng PAGCOR para sa kape. Nariyan ang sistemang pamamahala sa PNP na isinantabi ang pangangailangan sa armas ng 45 porsiyento ng kapulisan, para lang kumita mula sa lumang helicopter na binili sa presyong brand new.
"Wala na ngang iniwang panggastos, patung-patong at sabay-sabay pa ang mga utang na kailangang bayaran na. Mahaba ang iniwang listahan na tungkulin nating punuan: Ang 66,800 na backlog sa classrooms, na nagkakahalaga ng tinatayang 53.44 billion pesos; ang 2,573,212 na backlog sa mga upuan, na nagkakahalaga naman ng 2.31 billion pesos. Nang dumating tayo, may halos tatlumpu’t anim na milyong Pilipinong hindi pa miyembro ng PhilHealth. Ang kailangan para makasali sila: maaaring umabot sa 42 billion pesos. Idagdag pa po natin sa lahat ng iyan ang 103 billion pesos na kailangan para sa modernisasyon ng Hukbong Sandatahan. Sa harap ng lahat ng ito, ang iniwan sa ating pondo na malaya nating magagamit: 6.5 percent ng kabuuang budget para sa natitirang anim na buwan ng 2010. Para po tayong boksingerong isinabak sa laban nang nakagapos na nga ang mga kamay at paa, nakapiring pa ang mga mata, at kakampi pa ng kalaban ang referee at ang mga judge.
"Kaya nga sa unang tatlong buwan ng aming panunungkulan, inaabangan namin ang pagdating ng Linggo para maidulog sa Panginoon ang mga bangungot na humaharap sa amin. Inasahan naming mangangailangan ng ‘di bababa sa dalawang taon bago magkaroon ng makabuluhang pagbabago. Bibigyan kaya tayo ng sapat na pag-unawa ng taumbayan?
"Subalit kung may isang bagay mang nakatatak na sa ating lahi, at makailang ulit na nating pinatunayan sa buong mundo: Walang hindi makakaya ang nagkakaisang Pilipino. Nangarap po tayo ng pagbabago; nakamit natin ang pagbabago; at ngayon, karaniwan na ito.
"Ang kalsadang pinondohan ninyo ay tuwid, patag, at walang bukol; ang tanging tongpats ay aspalto o semento. Karaniwan na po ito.
"Ang sitwasyon kung paparating ang bagyo: nakaabang na ang relief, at hindi ang tao ang nag-aabang ng relief. Nag-aabang na ring umalalay ang rescue services sa taumbayan, at hindi tayo-tayo lang din ang sumasaklolo sa isa’t isa. Karaniwan na po ito.
"Ang wang-wang sa lansangan, galing na lang sa pulis, ambulansya, o bumbero—hindi sa opisyal ng gobyerno. Karaniwan na rin po ito. Ang gobyernong dating nang-aabuso, ngayon, tunay na kakampi na ng Pilipino.
"Nagpatupad po tayo ng reporma: tinanggal ang gastusing hindi kailangan, hinabol ang mga tiwali, at ipinakita sa mundong open for business under new management na ang Pilipinas.
EKONOMIYA. "Ang dating sick man of Asia, ngayon, punung-puno na ng sigla. Nang nagkaroon tayo ng positive credit rating action, ang sabi ng iba, tsamba. Ngayong walo na po sila, tsamba pa rin kaya? Sa Philippine Stock Exchange index, nang una nating nahigitan ang 4,000 na index, may mga nagduda. Ngayon, sa dami ng all-time high, pati economic managers, nahirapan yata sa pagbilang, at ako rin po ay nagulat: nakakaapatnapu’t apat na pala tayo, at bihira nang bumaba sa 5,000 ang index. Nito pong first quarter ng 2012, ang GDP growth natin, 6.4 percent; milya-milya ang layo niyan sa mga prediksyon, at pinakamataas sa buong Southeast Asian region; pangalawa po ito sa Asya, sunod lang tayo sa Tsina. Kung dati po, tayo ang laging nangungutang, ngayon, hindi po birong tayo na ang nagpapautang. Dati, namamalimos tayo ng investments; ngayon, sila na ang dumadagsa. Ang mga kumpanyang Hapon, sa isang pagpupulong, ang sabi ay, 'Baka gusto n’yo kaming silipin. Hindi nga kami ang pinakamura, pero una naman kami sa teknolohiya.' Pati pinuno ng isang bangko sa Inglatera, kamakailan nakikiusap maisali sa pila.
"Sa bawat sulok ng mundo, nagpapakita ng paghanga ang mga komentarista. Ayon sa Bloomberg Businessweek, and I quote: 'Keep an eye on the Philippines.' Ang Foreign Policy magazine, pati isa sa mga pinuno ng ASEAN 100, nagsabing maaari daw tayong maging, and I quote, 'Asia’s Next Tiger.' Sabi ni Ruchir Sharma, pinuno ng Emerging Market Equities and Global Macro ng Morgan Stanley, I quote: 'The Philippines is no longer a joke.' At mukha naman pong hindi siya nambobola, dahil tinatayang isang bilyong dolyar ang ipinasok ng kanyang kumpanya sa atin pong bansa. [Applause] Sana nga po, ang kaliwa’t kanang paghanga ng taga-ibang bansa, masundan na ng lokal na tagapagbalita.




CALLED OUT
ALL COMMENTS
30 BrunoEsmeralda
29 zorro_T
28 mrpogiako
27 humandynamics
26 pinasbuzzer
25 ipur
24 TheGMA07
23 halabira
22 rom_05
21 kanguzoGMA7
20 kanguzoGMA7
19 semsem
18 jasmyn
17 abscbn_14344
16 iam_brainful
15 jakar
14 msTrue
13 Monicafer
12 lostris
11 jakar
more comments