Dalawang bersiyon ng The Healing ng Star Cinema ang mapapanood sa mga sinehan matapos itong bigyan ng dalawang classifications ng MTRCB—R-13 at R-18. Ang The Healing ay tinatampukan nina Vilma Santos at Kim Chiu.

Photo: Courtesy of Star Cinema

Dalawang magkaibang bersiyon ng The Healing ang mapapanood sa mga sinehan.

Ito ay matapos bigyan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng dalawang classifications ang pelikulang pinagbibidahan ni Batangas Governor Vilma Santos: R-13 at R-18.

Sa R-13, ang mga 13 taong gulang pataas lamang ang makakapanood ng pelikula.

Sa R-18 naman, tanging ang mga 18 taong gulang pataas ang makakapanood.

Ayon kay MTRCB Chair Mary Grace Poe-Llamanzares, pinayagan nilang sabay ipalabas ang dalawang bersiyon ngunit magkaibang classifications ng The Healing: "to help the movie industry reach a wider audience" and "to allow the audience the freedom to decide the version they will patronize."

Istrikto raw ipapatupad ng MTRCB ang classifications na mga nito kapag ipinalabas na ang The Healing sa Miyerkules, July 25.

TWO VERSIONS, TWO PREMIERES. Dahil dalawang bersiyon ng suspense-horror movie ang mapapanood, dalawa rin ang magiging premiere showing nito bukas, July 24.

Ang R-18 version ay mapapanood sa Shangri-La Cinema ng 3:30 p.m.

Ang R-13 version ay ipalalabas naman sa SM Megamall Cinema 10 bandang 7 p.m.

Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Philippine movie industry na nabigyan ng magkaibang classifications ang isang pelikula.

Ito ang unang R-rated movie ni Governor Vi sa loob ng mahabang panahon.

Ito rin ang unang pelikula ng young actress na si Kim Chiu, na isa rin sa main cast, na rated R.

Ang The Healing ay idinirek ni Chito Roño.