Isa sa mga inabangang performances sa 2012 London Olympics Closing Ceremony ang pagbabalik-entablado ng all-famale group na Spice Girls. Masaya na sana ang Pinoy fans nang malamang ipapalabas sa TV5 ang buong pagtatanghal ng closing ceremony, subalit nadismaya ang mga ito nang putulin ng network ang pagtatanghal upang magbigay-daan sa kanilang regular programming.

Photo: Captured from YouTube

Nag-init ang social networking site na Twitter ngayong umaga, August 13, dahil sa maaanghang na tweets ng mga netizens laban sa TV5.

Marami ang nagalit dahil sa tinatawag nilang "panloloko" ng network sa kanilang live telecast ng 2012 London Olympics closing ceremony.

Nitong mga nakalipas na araw kasi ay in-advertise ng Sports 5—ang official free TV broadcaster ng London 2012 Olymics sa Pilipinas—na ipapalabas ang closing ceremony sa TV5, sa ganap na 4 a.m. hanggang 6:30 a.m. ngayong araw.

Ito ay live telecast umano na kasabay ng mismong event na nagaganap sa Olympic Stadium sa Stratford, London, England.

Tinupad naman ito ng network, at bandang alas-kwatro kaninang umaga ay nagsimulang umere ang programa.

Subalit ang masaya sanang panonood ng ilan ay nauwi sa pagi-init ng ulo ng marami dahil biglaang pinutol ng TV5 ang coverage upang magbigay daan sa ilang commercials.

Bagamat hindi naman inanunsiyo sa mga advertisement na walang commercial breaks ang telecast, hindi pa rin ito ikinatuwa ng viewers sa kadahilanang may ilang bahagi ng programa ang hindi nila napanood.

Nangibabaw rin ang tweets ng mga fans ng grupong Spice Girls na nangambang baka hindi nila maabutan ang reunion performance ng kanilang mga idolo.

Taong 2008 pa kasi nang huling magtanghal bilang grupo ang Spice Girls. Ito ay naganap sa Air Canada Centre sa Toronto, Canada, bilang bahagi ng naudlot nilang reunion world tour.

Makailang beses na naulit ang pagsingit ng TV5 ng commercials sa gitna ng programa.

Hanggang sa sumapit ang 5 a.m., kung saan imbes na ipagpatuloy ang coverage ay nagsimula nang umere ang morning show ng TV5 na Good Morning Club.

Bagamat bumalik din ang telecast, hindi na tuloy napanood ang iba pang mahahalagang pangyayari sa closing ceremony.

Dahil dito, hindi na napigilan ng mga netizens/viewers ang kanilang emosyon at ipinarating ang kanilang pagkadismaya sa TV5 sa pamamagitan ng Twitter.

Narito ang ilang posts ng mga dismayadong manonood:

@shellaina: "we thought the tvc breaks during the live coverage is worse already. but wait, there's more! tv5 made it worst by cutting it short! kaloka!!"