Isa nang Kapuso ang dating Star Magic talent na si Rafael Rosell. Makakasama siya sa upcoming primetime series na Temptation of Wife, na tatampukan din nina Marian Rivera, Dennis Trillo, at Alessandra de Rossi.

Photo: Nimfa Chua

Marami ang nagulat nang malamang Kapuso na ang dating Kapamilya actor na si Rafael Rosell.

Parang tahimik kasi ang paglundag ng istasyon ni Rafael kaya minarapat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na hingan ito ng pahayag. 

Isang maikling text message ang ipinadala ni Rafael sa PEP nang tanungin namin tungkol sa kanyang paglipat sa GMA-7:

“More than growing as an actor, I want to grow as a person. And I believe challenging the different fields in our industry and working with a great variety of people will help me achieve such growth.”

Huling napanood si Rafael sa primetime series ng ABS-CBN na Dahil Sa Pag-ibig, na nagtapos noong June 29, 2012.

Nakasama niya rito sina Piolo Pascual, Jericho Rosales, Cristine Reyes, Maricar Reyes, at ang madalas niyang makapareha na si Denise Laurel.

Ang una namang proyekto ni Rafael bilang isang Kapuso ay ang guest role niya sa upcoming early primetime series na Aso Ni San Roque.

Ngunit ilulunsad siya talaga sa upcoming primetime series na Temptation of Wife, na remake ng hit Koreanovela na may ganun ding pamagat.

Makakasama ni Rafael dito sina Marian Rivera, Dennis Trillo, at Alessandra de Rossi.

Kasama na rin si Rafael sa bagong station ID ng Kapuso network.

Gaya ni Marian at Dennis, si Rafael ay mina-manage na ngayon ni Popoy Caritativo.