Nakakuha ang PEP ng kopya ng dalawang larawan ng rumored couple na sila John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban na kuha sa Monaco. Sa kanang larawan ay kasama ng dalawa si Patricia Zobel de Ayala, honorary consul ng Pilipinas sa Monaco; sa kaliwang larawan naman ay kasama nila ang handler ni John Lloyd na si Nenette Roxas at ang kapwa nila Star Magic talent na si Maja Salvador.

Photo: by Leo Katigbak

Nasa bansang France ngayon ang rumored couple na sina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban.

Kasama sina John Lloyd at Angelica sa grupo ng ABS-CBN stars na nagtungo sa France para sa “Kapamilya Karavan.”

“Kapamilya Karavan” ang tawag sa promotional tour ng ABS-CBN sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang maghatid ng kasiyahan sa mga kababayan natin at subscribers ng The Filipino Channel (TFC), ang international cable channel ng ABS-CBN.

Nagsasagawa rin ng "Kapamilya Karavan" sa iba't ibang lugar dito sa Pilipinas.

Lumipad sina John Lloyd at Angelica patungong France noong Huwebes ng hatinggabi, September 12. (CLICK HERE to read related story.)

Kaugnay nito, nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng kopya ng dalawang larawan nina John Lloyd at Angelica mula sa biyaheng ito.

Ayon sa isang PEP source, kuha ang mga larawang ito sa Monaco, isang maliit na bansa na katabi lamang ng France.

Ang Monaco ang pangalawa sa pinakamaliit na bansa sa buong mundo at mayroon lamang populasyon na 36,371.

Sa dalawang larawan na nakuha ng PEP, parehong may kasama sina John Lloyd at Angelica.

Sa isang larawan ay kasama nila si Madame Patricia Zobel de Ayala, honorary consul ng Pilipinas sa Monaco.

Sa isa naman ay kasama nila ang handler ni John Lloyd sa Star Magic na si Nenette Roxas at ang young actress na si Maja Salavdor.

Sa isang lugar lamang kinunan ang mga larawang ito dahil pareho ang mga suot na damit nina John Lloyd at Angelica.

Bagamat hindi nabanggit ng source kung kailan kinunan ang mga larawang ito, malaki ang posibilidad na kinuha ito noong unang araw nina John Lloyd at Angelica doon dahil noong Huwebes ng hatinggabi lang sila umalis ng Pilipinas.

Bukod sa "Kapamilya Karavan," dadalo rin si John Lloyd sa special screening ng pelikula nila ni Bea Alonzo, ang The Mistress, sa France.