Sa huling araw ng comic book signing ng Titik: The Aswang Chronicles comics sa National Bookstore, Trinoma, kahapon, Oktubre 12, marami ang nasurpresa nang dumating at naki-autograph sa mga comic books ang girlfriend ni Dingdong Dantes na si Marian Rivera.

Photo: The DongYanatics TwitPic

Kagabi, October 12, ang huling comic book signing ng Tiktik: The Aswang Chronicles sa National Bookstore, Trinoma.

Bukod kay Dingdong Dantes na madalas na dumarating sa comic book signing, naroon din lagi ang ilan sa cast ng pelikula.

Pero sa huling comic book signing, surpresang dumating din ang girlfriend ni Dingdong na si Marian Rivera.

Larawan ng kasiyahan ang dalawa at nakita pa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dingdong nang kuhanan ng picture ang girlfriend at i-post sa kanyang Twitter account na may caption na, “What a pleasant surprise and Thanks MRG (Marian Rivera Gracia).”

Nang makapanayam nga ng PEP sina Marian at Dingdong, natanong agad si Marian kung inimbitahan ba siya ni Dingdong na samahan ito sa huling araw ng comic book signing.

Nakangiting sagot ni Marian, “Hindi, kasi, may taping talaga ‘ko ngayon. Sakto, yung taping ko, na-pack-up. 

“So, sinabi niya sa akin ang sched ko at bilang busy rin ako, hindi ako makatulong mag-promote sa kanya.

“Sabi ko, kahit man lang sa ganitong pamamaraan, e, makatulong man lang ako sa kanya. Kaya nandirito ako.”

Gusto raw talaga kasing suportahan ni Marian ang boyfriend.

“From scratch kasi, ipinakita niya sa akin ‘to, sinabi niya sa akin ‘to. So, alam ko lahat ang nangyayari and even na wala ako rito, alam ko naman ang mga kaganapan,” sabi ni Marian.

Tinanong naman ng PEP si Dingdong kung ano ang masasabi niya sa pagpunta ni Marian sa comic book signing.

Nakangiting sabi nito, “Lubos ang aking pasasalamat sa suporta niya. Sobrang na-surprise ako.

“Kasi tamang-tama, na-cancel ang shoot niya. ‘Tapos, sinabi niya kung ano ang gagawin ko ngayon.  Sabi ko nga, may comic book signing.

“’Tapos, sinamahan niya ‘ko rito.”

Natatawang dugtong pa ni Dong, “Actually, magdi-date nga kami pagkatapos dito.”