Sinorpresa ni Marian Rivera ang kasintahang si Dingdong Dantes sa premiere ng pelikula ng aktor, ang Tiktik: The Aswang Chronicles, kagabi, October 15, sa SM Megamall.

Photo: Noel Orsal

Noong isang linggo pa ay nabanggit na ni Marian Rivera na pupunta siya sa isa sa premiere nights ng Tiktik: The Aswang Chronicles, ang pinagbibidahang pelikula ng kasintahan niyang si Dingdong Dantes.

Pero inilihim daw ito ng aktres kay Dingdong.

Kahapon ng tanghali, October 15, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Marian sa taping ng kanyang bagong primetime series sa GMA-7, ang Temptation of Wife. Ginanap ang taping sa Christ The King Church sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City.

Kaya nang tanungin kung pupunta siya sa red-carpet premiere ng Tiktik na ginanap kagabi sa SM Megamall, nagkuwento na si Marian at nakiusap na huwag munang isusulat o itu-tweet dahil masisira raw ang plano niyang pag-sorpresa sa boyfriend.

Sabi niya, “Pupunta ako pero hindi niya alam, surprise!

“Pupuntahan ko siya mamaya at nagpaalam ako kung puwede akong umalis dito sa taping.

“Kasi bukas, hindi na ako pupuwede dahil ang dami naming kukunan.

“Sinabi ni Ate Carol [EP ng Temptation of Wife], bukas, hindi na ako puwedeng umalis.”

Ngayong gabi, October 16, kasi ay gaganapin naman ang celebrity premiere ng Tiktik sa Greenbelt 3.

HOW MANY YEARS? May nagtanong naman kay Marian kung ilang taon na ba talaga ang relasyon nila ni Dingdong. May nagsasabi kasing apat na taon na sila.

Nakangiting sabi ng Kapuso actress, “Hindi ko alam, e. Hindi ako nagbibilang.

"Basta ang masasabi ko lang, araw-araw akong masaya sa piling niya.”

Kailan naman siya naging malungkot kay Dingdong?

“Wala nga, e,” mabilis niyang sagot.