Maingat na raw si Cherie Gil sa pagtataray matapos ng kanyang throat operation. Sabi niya, “Kung sa original Koreanovela ay masyadong high-strung si Stella, ang approach ko naman ay hindi over-the-top. Medyo restrained nang konti at suwabe lang ang pagiging mataray ko. Malumanay ang dating, pero tumatagos pa rin at nakakasakit ng damdamin.”

Photo: GMA-7

Matagal nang hindi napapanood si Cherie Gil sa isang drama series, kaya marami ang natuwa nang makasama siya sa cast ng local version ng hit Koreanovela na Temptation Of Wife.

Ginagampanan ni Cherie ang role na Stella, ang mapang-aping biyenan ng bidang si Angeline, ang role ni Marian Rivera.

Kuwento ni Cherie, subtle lang daw ang pagiging kontrabida niya ngayon sa Temptation Of Wife.

Hindi na raw siya puwede sa pasigaw-sigaw na mga eksena dahil nga sa napaopera niyang lalamunan.

“The last series I did na na-strain nang husto ang lalamunan ko was Legacy. But I had na my operation after that.

“Long overdue na kasi. Two years ko na siyang pinaplanong ipaopera, pero laging naho-hold because of my work.

“Nagkasunud-sunod kasi ang mga trabaho natin with GMA-7 kaya nanghinayang naman akong tanggihan,” saad ni Cherie sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanya sa set ng Temptation Of Wife, kamakailan.

Ginagawa pa lang noon ni Cherie ang Grazilda bandang 2010 ay pinaplano na niyang magpaopera.

Pero nasundan nga ang Grazilda ng Magic Palayok, Time Of My Life, at Legacy.

Kaya ilang beses ipinagpaliban ng award-winning actress ang planong pagpapaopera ng lalamunan.

Pero noong nakaraang July nakapagpaopera na si Cherie sa U.S., at nang makabalik ng Pilipinas ay sumabak agad sa trabaho bilang isa sa mga hurado ng reality artista search na Protégé: The Battle For The Big Artista Break.

“I was still recovering from my operation when I did Protégé. Kaya hindi muna ako gumawa ng series dahil kailangang mapahinga ang throat ko.

“Yung Protégé naman kasi, once a week lang siya and hindi ka masyadong magsasalita unless they ask your opinion on something.

“Now that I’m ok, puwede na akong tumanggap ng series. And tama lang ang pagdating nitong Temptation Of Wife,” lahad pa niya.



RESTRAINED. Pero ayaw naman daw abusuhin ni Cherie ang kanyang katawan kaya nag-iingat din daw siya.

Kontrolado nga raw ang pagbibitaw niya ng matataray na dialogues.