Isang teleserye na pagbibidahan nila ang unang malaking proyekto nina Vin Abrenica at Sophie Albert pagkatapos nilang manalo sa Artista Academy. Ang titulo nito ay Never Say Goodbye kunsaan makakasama nila ang Superstar na si Nora Aunor.

Photo: Glen P. Sibonga

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Artista Academy Best Actor at Best Actress na sina Vin Abrenica at Sophie Albert, sa UCC café-restaurant sa Podium Mall sa Ortigas, kahapon, Nobyembre 20.

Masayang ibinalita nina Vin at Sophie na magkakaroon na sila ng teleserye sa TV5 na pagbibidahan nila.

Una nga nila itong ipinaalam sa PEP.

Rebelasyon ni Sophie, “Yes, magkakaroon na kami ng teleserye, kaming dalawa ni Vin. It’s called Never Say Goodbye.”

Excited na dagdag ni Vin, “Makakasama po namin dito si Ms. Nora Aunor. Kaya nagpapasalamat po kami sa TV5 sa pagbibigay sa amin ng proyektong ito.”

Hindi pa raw sila nagkakaroon ng story conference dahil kamakailan lang daw nila ito nalaman.

Kaya hindi pa rin sila makapagkuwento tungkol sa kanilang magiging roles gayundin sa iba pang detalye.

Ang sigurado nga lang daw nilang makakasama ay ang Superstar at ididirek daw ito ni Mac Alejandre.

Basta masaya raw sila ngayon dahil unti-unti nang natutupad ang mga pangarap nila.

WORKING WITH THE SUPERSTAR. Ano ang nararamdaman nila na isang Superstar ang kaagad nilang makakasama sa teleserye sa first big project nila?

Sabi ni Sophie, “Parang hindi pa rin ako makapaniwala.

“Kasi lagi kong sinasabi na kung may gusto akong makatrabaho, sinasabi ko lagi si Ate Guy.

“Tapos ngayon, mangyayari na iyon, so parang I won’t believe it until I’m there in front of her siguro.”

Si Vin naman ay nakasama nang umarte ang Superstar sa isang acting challenge nila sa Artista Academy.