Maliban kay Nora Aunor, malaki rin daw ang utang na loob ni Direk Mac Alejandre sa writer na si Ricky Lee. Sabi niya, “Silang dalawa, actually. Si Ricky ang unang-unang naniwala. Malaking utang na loob ko yun, para sa akin.”

Photo: Noel Orsal

Muling makakatrabaho ng TV and movie director na si Mac Alejandre ang Superstar na si Nora Aunor pagkatapos ng mahigit dalawampung taon.

Female lead si Nora sa upcoming teleserye ng TV5 na Never Say Goodbye na ididirek ni Mac.

Kasalukuyang nasa Benguet, Mountain Province, ang major cast at staff ni Direk Mac para sa mga unang araw ng pilot episode ng teleseryeng ito.

“Masayang-masaya ako!” bulalas ni Direk Mac sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ilang araw bago ang unang taping day ng Never Say Goodbye.

Nagpahayag din ang noted movie and TV director ng kasiyahan sa panibagong pagkakataon ng pakikipagtrabaho niya with Ate Guy.

Sabi ni Direk Mac, “Masayang-masaya ako na ang artistang unang nagtiwala sa akin, at siyang malaking dahilan kung bakit ako naging direktor, ay maididirek ko na uli.

“Naging very open ako ng pagtanaw ng malaking utang na loob sa kanya, mula pa noon.

“And on the 21st year—after the first time I directed her in 1991 [Maalaala Mo Kaya], tapos 1992, yung Star Drama Presents Nora. So, masayang-masaya ako!

“Siyempre, more than the happiness is the chance for me to experience directing a great talent like her, di ba?

“Also, working together with actors who are also talented, tulad nina Cesar Montano and Alice [Dixson] and Gardo [Versoza], Edgar Allan [Guzman], di ba?

“At yung mga batang artista ng Artista Academy.”

Nabigyan ng kaukulang break sa Never Say Goodbye ang mga Artista Academy winners na sina Vin Abrenica at Sophie Albert.



GRATITUDE. “Ako ang laging tatanaw ng utang na loob.

“Lagi kong sasabihin, na wala ako sa kinalalagyan ko ngayon kung wala siya… without her,” patuloy ni Direk Mac hinggil sa naging kontribusyon ni Nora sa pagiging drektor niya.

Hindi rin nakalimutang banggitin ni Direk Mac si Ricky Lee, ang matalik na kaibigang writer ni Ate Guy.

Ayon sa direktor, si Ricky ang nagrekomenda sa kanya kay Nora, na noo’y gagawa ng drama anthology sa ABS-CBN.