Kahit nahirapan siya noong umpisa, naging matagumpay na rin sa wakas ang weight loss program ni Francine Prieto, at dahil dito'y muli siyang nabigyan ng pagkakataong sumabak muli sa showbiz. Bukod sa kagustuhang maatim ang ideal niyang timbang at sukat, mas mahalaga kay Francine na magsilbing gabay at inspirasyon sa mga taong overweight at naghahanap ng karamay sa kanilang problema.

Masaya si Francine Prieto dahil muli siyang nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabao sa mundo ng showbiz.

Mula sa sunud-sunod na dagok ng buhay dahil sa kanyang personal na suliranin sa pamilya at sa kanyang weight disorder problem, unti-unting nagbabalik sa normal niyang buhay ang dating Bubble Gang mainstay.

Kasalukuyan siyang abala sa iba’t ibang projects, kabilang dito ang ABS-CBN drama series na Ina Kapatid Anak.

May bagong TV program din si Francine sa PTV-4, ang travel show na Biyahero na napapanood ng 2:30 ng hapon tuwing Linggo.

At tuloy pa rin ang aktres sa pagiging DJ sa 103.5 FM.

Labis ngang nagpapasalamat si Francine sa lahat ng tumutulong at patuloy na nagtitiwala sa kanyang pagbabalik-showbiz.

Tinatawag niyang earth angels o mga anghel sa lupa ang mga ito dahil sa malaking suportang ibinibigay sa kanya.

“Nagpapasalamat ako sa mga positibong nangyayari sa akin ngayon, siguro talagang kailangang mangyari ang mga bagay na iyon, para lalo kong makilala ang sarili ko," banggit ng dating ramp at print model.

"Alam mo iyon? Para mahanap mo ang sarili mo.

“So, ngayon ay ayos na, iyong sa family ko, sa career.

"Sabi ko nga, ano ako e, saved by earth angels. Marami po sila, sama-sama na po sila.

"So, yung nagtapos na year, yung last year, yun ang pinaka-okay po sa akin.

“Kaya sana ay mas maging active ako sa showbiz.

"Natutuwa nga po ako sa mga project na dumarating sa akin, like itong Ina, Kapatid Anak.


"Ito ang isa sa pinakamalaking project ko,” panimulang saad ni Francine nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Huwebes, January 10, sa Max's Restaurant sa Roces Avenue, Quezon City.