[x]

For the second consecutive year, Angel Locsin and Governor ER Ejercito won top acting honors at PMPC Star Awards for Movies. Angel was named Best Actress for One More Try while ER won Best Actor for El Presidente.

Photo: Noel Orsal

Sa ikalawang magkasunod na taon ay napagwagian nina Angel Locsin at Governor ER Ejercito ang Best Actress at Best Actor sa Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Noong nakaraang taon ay sila rin ang nagwagi para sa kanilang pagganap sa mga pelikulang In The Name of Love para kay Angel at Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story para kay ER.

Ngayon naman, sa 29th PMPC Star Awards for Movies, nagwagi si Angel para sa kanyang pagganap sa One More Try at si ER ay nanalo para sa kanyang role bilang si Emilio Aguinaldo sa El Presidente.

Ang mga pelikulang ito ay parehong naging entries sa 2012 Metro Manila Film Festival.

Masasabing bigatin ang mga tinalo ni Angel sa kategoryang Best Actress, na kinabibilangan ng Superstar na si Nora Aunor para sa Thy Womb at ang Star For All Seasons na si Vilma Santos para sa The Healing.

Ang ilan pang nakalaban ni Angel ay sina Gina Alajar (Mater Dolorosa), Bea Alonzo (The Mistress), Angelica Panganiban (One More Try), at Jodi Sta. Maria (Migrante).

Sa MMFF ay tinalo si Angel ni Nora.

Tinalo naman ni ER sa Best Actor ang matinee idols na sina John Lloyd Cruz (The Mistress), Dingdong Dantes (One More Try), Coco Martin (Sta. Nina), Jericho Rosales (Alagwa), at Aga Muhlach (Of All The Things).

Kasama rin sa tinalo ng actor-politician ang veteran actor na si Eddie Garcia, na kinilala sa iba’t ibang international film festivals para sa kanyang pagganap sa indie film na Bwakaw.

Sa isang panayam ay sinabi ni ER na mas bilib siya sa mga hurado ng Star Awards kumpara sa mga hurado ng MMFF, kunsaan dalawang beses siyang tinalo ni Dingdong Dantes sa parehong pagkakataon.

(CLICK HERE to read related story.)

Humakot ng pinakamaraming awards ang pelikula ni ER na El Presidente sa 29th Star Awards for Movies na ginanap kagabi, March 10, sa AFP Theater, Camp Aguinaldo, Quezon City.

Sa kabuuan ay nagwagi ito ng walong tropeyo, kabilang na ang Best Picture at Best Director para kay Mark Meily.

Napanalunan din ng El Presidente ang Best Original Theme Song para sa “Aking Inang Bayan” na inawit ni Maita Ejercito, ang asawa ni ER at kasalukuyang mayor ng Pagsanjan, Laguna.

Samantala, napanalunan nina Janice de Belen at Carlo Aquino ang Best Supporting Actress at Best Supporting Actor para sa pagganap nila sa Tiktik: The Aswang Chronicles at Mater Dolorosa, respectively.