Nangako si Mark Anthony Fernandez sa kanyang inang si Alma Moreno na tutulong ito sa kampanya nito bilang konsehal sa Parañaque City.
Nagbigay na raw ang Kapuso leading man ng schedules sa mga tauhan ng kanyang ina kung kailan siya libre para makasama siya sa pag-ikot sa ilang mga barangay sa distrito ng kanyang ina sa Parañaque City.
“Alam naman ni Mama na todo suporta ako sa kanya anytime.
“Basta wala akong work, she can be assured na nandoon ako for her.
“Nagsu-sorry naman ako sa kanya na hindi ako makapunta sa ilang mga paikut-ikot niya sa Parañaque because of my work schedule.
“Three times a week kami sa Tagaytay nagte-taping for Bukod Kang Pinagpala.
“Ngayon kasi, puro mabibigat na mga eksena ang ginagawa namin. Kaya at the end of the day, pagod na kaming lahat.
“But I promised naman kay Mama na hindi matatapos ang pagkakampanya niya, darating ako para tulungan siya,” paninigurado pa ni Mark nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa taping set ng Bukod Kang Pinagpala sa Greenville Subdivision sa Amadeo, Cavite.
CAMPAIGNING FOR MOM ALMA. Naikuwento ni Mark na tuwing nakakapagsimba siya sa Baclaran Church tuwing Miyerkules, kinakampanya niya ang kanyang ina sa mga taong lumalapit sa kanya.
“Oo, ginagawa ko ‘yon.
“I sometimes buy a few things doon sa tabi-tabi at sinasabi ko na iboto nila si Mama.
“Lahat naman ng lumapit sa akin, yun ang sinasabi ko. Kaya in a way, nakakatulong ako kay Mama.”
Worried nga lang daw si Mark dahil alam niyang madaling ma-stress ang kanyang ina dahil sa sakit nito.
“Dahil nga sa campaign, ang worry ko lang kay Mama ay ang ma-stress siya.
“Lalo na ngayon na ang init-init talaga. Pero kailangan tuloy ang kampanya nila.
“Lagi ko naman pinapaalala sa kanya na mag-ingat siya para hindi siya atakihin ng sakit niya.
“But knowing Mama, kaya niya ang kahit na anong stress na dumating sa buhay niya.
“Pinagdarasal ko naman parati ang health ni Mama.
“Sinasabihan ko na lang ang ibang mga kapatid ko na sila Yeoj, Winwyn and MM na alagaan nila si Mama.
“Mas nandoon kasi sila kesa sa akin kaya pakiusap ko sa kanila to take care of her,” kuwento pa niya.
Happy naman si Mark sa kanyang trabaho, lalo na sa series na Bukod Kang Pinagpala dahil sa mataas na ratings nito araw-araw.
Kaya ganado silang lahat na magtrabaho at pagandahin pa ang bawat episode.
“Lahat ng gawin naming mga episodes ay malalaki. Para na nga kaming primetime, e,” saad niya.
“Maraming mababago sa characters namin, lalo na sa roles nila Camille [Prats] and Mona Louise [Rey]. May maiiba sa kanila— nabigyan ng bagong twist ang story namin.
“Kaya mas exciting pa siyang abangan and enjoy kaming lahat working kahit inaabot kami ng umaga.
“Inspired kaming lahat sa mga sumusubaybay ng show namin.”
CHEMISTRY WITH CAMILLE. Maganda nga ang chemistry nila ni Camille kaya maayos nilang nagagawa ang mga mabibigat nilang mga eksena sa naturang afternoon series.
Sinabi nga ni Mark na simula noong magkasama sila ni Camille sa Munting Heredera, naging magaan na sa kanilang dalawa ang mga ginagawa nilang mga dramatic scenes.
“Parang alam na naming dalawa ang gagawin ng isa’t isa. Especially sa mga heavy scenes namin.
“Before kasi, makikiramdam pa ako sa iaarte ng kaeksena ko. But with Camille, alam ko na ang gagawin ko.
“Kumbaga basang-basa ko na siya. Alam ko na ang magiging reaction niya sa mga scenes namin.
“Kaya magaan siyang katrabaho. Wala akong nagiging problema kapag si Camille ang kasama ko,” ngiti pa ni Mark.
CONTRACT RENEWAL. Kelan nga lang ay pumirma ulit si Mark ng exclusive station contract with GMA-7. Another three years daw ang kanyang pinirmahan.
Wala nga raw naging problema si Mark with GMA-7 dahil tumatanaw siya ng malaking utang na loob dito.
Kaya kahit na may ibang TV network daw ang gustong kunin siya, mananatili raw siyang Kapuso.
“Yes, there have been offers from other stations. Noon pa naman. But I’m happy working for GMA-7. Kaya nga pumirma ulit tayo dahil masaya ako with them.
“It was GMA-7 who really gave me the best roles I’ve portrayed on television. Sila rin ang nagbigay sa akin ng pagkakataon ulit na makabangon.
“Ever since I did Impostora in 2007 with GMA-7, nagtuluy-tuloy na ulit ang career ko. Non-stop na ang work natin.
“Tayo naman, we don’t make any demands. Nagtitiwala tayo sa mga binibigay na trabaho sa atin.
“Yun ang pinapasalamat natin parati kaya maayos tayong nakakapagtrabaho parati.
“It has been six years now and I am still getting good roles.
“Kaya dapat lang naman na sa Kapuso pa rin tayo,” diin niya.
