Binibigyan na raw ng permiso ni Raquel Pempengco ang anak na si Charice upang ilabas ang tunay na katauhan nito. Sabi niya, “Nirerespeto ko kung ano ang gusto niyang sabihin sa publiko, dahil doon siya magiging masaya at malaya na hindi niya nahanap sa aming pamilya."

Photo: Instagram

Hindi pa rin natutuldukan ang agam-agam sa totoong sexual preference ni Charice.

Nagsimula ang espekulasyon tungkol sa sekswalidad ng international singing sensation nang nag-umpisa itong magpaiksi ng buhok.

Kaugnay nito, nagbigay ng pahayag ang ina ni Charice na si Raquel Pempengco.

Sa panayam ng abs-cbnnews.com kahapon, May 10, sinabi ni Raquel na pinapayagan na niya ang kanyang panganay na anak na kumprimahin ang totoong "katauhan" nito.

"Ang sinasabi ng puso ko at isip ko bilang ina ay hayaan ko siyang ilantad kung ano ang tunay na katauhan niya. Kung ano ang gusto niya, dahil doon siya magiging maligaya."

Bilang ina, wala naman daw siyang ibang inaasam kundi ang kapakanan at kaligayahan ng anak.

Saad pa ni Raquel, “Nirerespeto ko kung ano ang gusto niyang sabihin sa publiko, dahil doon siya magiging masaya at malaya na hindi niya nahanap sa aming pamilya."

Nagpahayag ng kanyang saloobin si Raquel matapos may nag-post sa Twitter na diumano'y inamin na ni Charice na siya ay "tomboy" sa isang panayam na hindi pa naipalalabas.