Nilinaw ng Kapatid star na si Ritz Azul ang balitang nililigawan diumano siya ng kanyang co-star sa Misibis Bay na si Daniel Matsunaga. Sabi pa ng dalaga tungkol sa Brapanese hunk, “Masayang katrabaho si Daniel kasi serious siya sa ginagawa niya, sa trabaho niya at marunong siyang makisama. And I could see that he is determined.”

Photo: Glen P. Sibonga

Mahigit dalawang linggo ring nag-stay sa Misibis Bay resort sa Cagraray Island, Albay ang cast ng upcoming sexy revenge drama mini-series ng TV5, ang Misibis Bay, para sa kanilang on-location shoot.

Isa raw sa dapat abangan sa mini-series na ito ay ang nakaka-in love na mga eksena ng bida nitong si Ritz Azul at ng isa sa kanyang leading men na si Daniel Matsunaga.

Ayon sa isang source, natigilan daw si Daniel nang makaeksena nito sa unang pagkakataon si Ritz. Tila ba nahihiya raw at hindi makatingin si Daniel sa dalaga habang binabanggit ang kanyang mga linya.

Si Ritz ay sinasabing kahawig ng ex-girlfriend ni Daniel na si Heart Evangelista.

Kaya ang sapantaha ng ilan ito ang dahilan kung bakit natigilan si Daniel. Baka raw naaalala nito ang kanyang ex-girlfriend sa tuwing kaeksena ang Kapatid princess.

Bukod kay Daniel, kabilang din sa leading men ni Ritz sa Misibis Bay sina Victor Silayan, Vin Abrenica, at Christopher de Leon.

Pero sa apat tila kay Daniel daw nagiging pinaka-close si Ritz kaya may mga nag-aakalang pinopormahan na raw ng hunk aktor ang young princess.

Ngunit pinabulaanan naman ito ni Ritz nang hingin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang reaksyon niya sa pamamagitan ng text message.

Paglilinaw ni Ritz, “Hindi po ako nililigawan ni Daniel.

"Well, sinasabi nga ng iba na kamukha ko si Heart, pero magkaiba rin kami sa maraming bagay.

"Sa set, nagkakabiruan tungkol diyan dahil sa characters din namin. Pero hanggang doon lang yun. Trabaho lang po lahat.”

Gayunpaman puring-puri ni Ritz bilang katrabaho si Daniel.

Sabi ni Ritz, “Masayang katrabaho si Daniel kasi serious siya sa ginagawa niya, sa trabaho niya at marunong siyang makisama. And I could see that he is determined.”

WORKING WITH OTHER LEADING MEN. Kinumusta rin ng PEP kay Ritz ang pakikipagtrabaho niya sa iba pang leading men niya na sina Christopher, Victor, at Vin.