Isang source ang nagpatunay na nagsilang ang young actress na si Sarah Lahbati ng sanggol na lalaki noong bandang katapusan ng April sa Europa.

Photo: Richard Gutierrez's Instagram

Kahapon, Agosto 6, isang feed mula sa isang mapagkakatiwalaang source ang natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal):

Isinilang na raw ng dating Kapuso talent na si Sarah Lahbati ang anak nila ng kapwa niya dati ring Kapuso artist na si Richard Gutierrez sa Europa nung bandang katapusan ng Abril.

Ayon pa sa source, isa raw MMS o larawan ng sanggol na lalaki—na pinangalanan na Zion—ang ipinadala sa pamilya Gutierrez mahigit tatlong buwan na ang nakalilipas, nung nasa kainitan ng pangangampanya si Annabelle Rama, ina ni Richard, para sa pagka-Kongresista ng Cebu.

Matatandaang umalis ng Pilipinas si Sarah noong Enero sa gitna ng sigalot niya sa GMA-7 at kay GMA Films President Annette Gozon-Abrogar.

Sinabi ni Sarah noon na nagdesisyon siyang bumalik ng Switzerland upang ipagpatuloy na lang ang kanyang pag-aaral.

Ngunit kasabay ng pag-alis na ito ni Sarah ay ang mga usap-usapan na nagdadalang-tao diumano siya.

Sa kanilang mga naunang interbyu tungkol dito ay parehong pinabulaanan nina Sarah at Richard ang balita.

Nang bumalik sa Pilipinas si Sarah noong Hulyo, upang harapin ang kasong isinampa laban sa kanya ni Atty. Gozon-Abrogar, ay tumanggi siyang sagutin ang tanong tungkol sa balitang nagbuntis siya at nanganak na.

Sabi ni Sarah, “As I said, I’d rather not comment on things that are not related sa case.

“Let’s not get distracted sa issues na walang kinalaman sa case.

“Hindi ko alam kung bakit nililihis, bakit dini-distract ang mga tao. Laging ‘yon nang ‘yon ang question.

“Bahala po kayong mag-isip kung ano ang gusto n’yo.

“Basta ako, I’m here to fix what I have to fix and finish things.”

(Read: Sarah Lahbati files criminal case against Atty. Annette Gozon-Abrogar)

Sinubukang kumuha ng official statement ang PEP mula sa publicist ng Gutierrez family na si Jun Lalin kagabi, ngunit wala raw siyang paraan para makakuha ng pahayag mula sa mga Gutierrez o mula kay Annabelle ng mga sandaling iyon.