Nagkita sa unang pagkakataon ang biological dad ni Lotlot de Leon na si Donald Olson (kaliwa) at ang kanyang adoptive father na si Christopher de Leon (kanan) kagabi, November 11, sa despedida party na inihanda ng aktres para sa kanyang American father.

Photo: Rommel Gonzales

Naging emosyunal ang aktres na si Lotlot de Leon sa pagkikita at paghaharap sa kauna-unahang pagkakataon ng kanyang dalawang ama—ang American biological father niyang si Donald Olson at ang kanyang adoptive father na si Christopher de Leon.

Naganap ang pagtatagpo ng dalawa kagabi, November 11, sa function hall ng isang condominium building sa Quezon City, kung saan nakatira si Lotlot.

Despedida party ito ni Lotlot para sa kanyang American father.

Babalik na kasi si Donald sa Wisconsin, USA, bukas, November 13, matapos ang mahigit isang buwang pagbabakasyon dito sa Pilipinas.

Dumating sa bansa si Donald noong September 26.

Kasama namang dumating ni Christopher sa party ang misis niyang si Sandy Andolong.

Si Lotlot ay inampon ng Superstar na si Nora Aunor noong sanggol pa lamang siya.

Nang magpakasal si Nora kay Christopher, naging De Leon ang apelyido ni Lotlot pagkatapos siyang legal na ampunin ng aktor.

Bukod sa despedida para sa biological dad ni Lotlot, kagabi rin nagdiwang ng kanyang 17th birthday ang kaisa-isang anak na lalaki ni Lotlot sa dating asawa na si Ramon Christopher—si Diego Gutierrez.

Nasa party siyempre ang mga kapatid ni Diego na sina Jessica, Maxine, at ang Kapuso young actress na si Janine Gutierrez.

Kumpleto rin ang mga kapatid ni Lotlot na sina Matet, Kiko, Kenneth, at Ian de Leon.

Nasa party rin ang close friends ni Lotlot na sina Mymy Davao, Kookoo Gonzales, at Nadia Montenegro.

Kasama naman ni Nadia ang mga anak nito, kabilang na ang young star na si Ynna Asistio.

Naroon din ang GMA production manager na si Redgyn Alba at ang YES! managing editor na si Anna Pingol.