Pumanaw na ang veteran broadcaster na si June Keithley ngayong gabi, November 24. Si June ay isa sa mga itinuturing na bayani noong1986 Edsa Revolution dahil ang boses niya sa radyo ang isa sa mga naging sandigan ng mga Pilipino sa pakikipaglaban sa Marcos regime.

Photo: Screen grab from YouTube

Sumakabilang-buhay na ang award-winning broadcaster na si June Keithley-Castro dahil sa breast cancer.

Ganap na 6:45 p.m., Linggo, November 24, nang bawian ng buhay si June sa St. Luke’s Medical Center, Quezon City.

Siya ay 66 years old.

Si June ay isa sa mga itinuturing na bayani noong1986 Edsa Revolution dahil ang boses niya sa radyo ang isa sa mga naging sandigan ng mga Pilipino sa pakikipaglaban sa Marcos regime.

Nag-broadcast si June mula sa isang sikretong lugar, sa pamamagitan ng Radyo Bandido, para iparating sa sambayanang Pilipino ang mga kaganapan sa rebolusyon noong 1986, na nagpatalsik sa puwesto kay dating Presidente Ferdinand Edralin Marcos pagkatapos ng 20 taon sa puwesto.

Naging bahagi rin si June ng entertainment industry.

Mainstay siya ng Super Laff-In, ang sketch comedy TV show na napanood sa ABS-CBN mula 1969 hanggang 1972.

Napanood din siya sa mga pelikulang Durog (1971) at Lunes, Martes, Miyerkoles... (1976).

Naulila ni June ang mga anak na sina Diego at Gabriella Castro, at ang kanyang mga apo.

Ayon kay Diego, kasama siya ng kanilang ina hanggang sa huling sandali ng buhay nito.

Ibuburol simula bukas, November 25, sa Camp Aguinaldo ang mga labi ni June.

Ang asawa ni June na si Angelo Castro Jr., isa ring kilalang broadcaster, ay pumanaw na noong April 5, 2012.