Gabby Concepcion on brewing pregnancy rumors involving daughter KC Concepcion: “Ay, 'di naman totoo, malalaman ko kaagad 'yan. 'Tsaka 'di pa ako handang maging lolo. Oo tinanong ko siya, natatawa lang daw siya. Hindi raw totoo yun.”

 

Photo: Noel Orsal

CONSTANT COMMUNICATION. Ayon kay Gabby, bukas ang communication line nilang mag-ama at kasama nga raw ni KC ang kapatid niyang si Garrie sa New York.

Si Garrie ang anak ni Gabby sa businesswoman na si Grace Ibuna.

Nang tanungin namin kung bakit nagdesisyon na mag-aral sa New York si KC, nilinaw ni Gabby na matagal na pala itong sinasabi sa kanya ng anak.

Patuloy pa niya, “Oo, nag-uusap kami, pinadadalhan niya ako sa Instagram, madalas siyang mag-send ng mga pictures. Pinu-post ko naman.

“Actually pareho sila ni Garrie, pareho silang nagsasama ngayon.

“Okey naman, masaya naman sila, kanya-kanyang tadhana, kanya-kanyang career path. Kung ano ang gusto niya sa New York, yun ang ginagawa niya.”

“'Di ko alam kung bakit siya nag-decide na mag-advanced classes in acting.

"Siguro to hone yung craft niya, yun ang madalas niyang sinasabi sa akin. Wala naman siyang sinasabing ibang dahilan.”

DYESEBEL. Parte ng seryeng Dyesebel, ibinalita sa amin ni Gabby na maraming dapat abangan sa fantaserye, kung saan baka nga abutin pa ito hanggang Nobyembre.

“Mayroon kaming project ngayon, yung sa Dyesebel. Marami silang dapat abangan, sabi nga nila hanggang November pa ito, so aabutin pa niya ang birthday ko.

“Malapit yun sa birthday ko so sana nandun pa,” panalangin niya.

Sa November 5 ang birthday ng aktor na magpi-50 years old na ngayong taon.