Isa na namang pagsubok na may kinalaman sa pera ang dumating sa actress-TV host na si Jennylyn Mercado. Diumano, nawalan siya ng P300,000, na dapat sana'y gagamitin niya para sa pagsali sa Ironman 70.3 Philippine Triathlon Race na gaganapin sa Cebu ngayong Linggo, August 5.

Photo: Noel Orsal

Naabutan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn Mercado sa dressing room ng Studio 7 ng GMA Network Center kaninang hapon, August 1, na malungkot at parang balisa.

Kausap ng actress-TV host sa telepono noong oras na iyon ang manager niyang si Becky Aguila.

Katatapos lamang mag-shoot ni Jennylyn ng isang segment ng H.O.T. TV, ang bagong showbiz-magazine show ng Kapuso network, na magsisimula na sa Linggo, August 5.

Paglabas niya ng dressing room ay mukhang katatapos lamang niyang umiyak.

CANCELLED TRIP. Ikinuwento ni Jennylyn sa PEP na naloko raw siya ng best friend niya, kaya hindi na matutuloy ang pagsali niya sa Ironman 70.3 Philippine Triathlon Race sa Cebu sa darating na Linggo.

Ayaw nang banggitin ni Jennylyn ang pangalan ng babaeng best friend niya.

Pero masamang-masama raw ang loob ng Kapuso star na pinagkatiwalaan niya ang kaibigan na mag-ayos ng booking patungong Cebu—mula sa plane tickets pati sa hotel reservation sa Shangri-La Mactan.

“Naglabas ako ng malaking pera for Sunday. Buong family ko po dala-dala ko. Si Luis po, kasama rin.

“Siyempre, ang dami po namin.

“Medyo malaki po ang naibigay ko po dahil sa Shangri-La Hotel po kami mag-i-stay, e,” mangiyak-ngiyak niyang pahayag.

Umabot daw sa 300 thousand pesos ang nawala kay Jennylyn dahil sa nangyari.

Sabi pa niya, “Nabayaran na po lahat.

“Nalaman ko na lang kaninang umaga na… naka-receive po ako ng e-mail po mula dito sa best friend ko na nagkaroon nga daw po ng problema.

“Hindi ko pa rin po malaman kung ano talaga ang naging problema bakit hindi matutuloy.

“Naguguluhan pa rin po kami. Siguro soon, malalaman din natin.”