Sina Mark Herras at Jennylyn Mercado ang pinakaunang male and female Ultimate Survivors ng StarStruck ng GMA-7.
At dahil muling magbabalik ang naturang artista search sa telebisyon ngayong taon, may maipapayo ba si Mark sa mga bagong sasali dito?
Panimulang bulalas ni Mark, “Good luck!
“Hindi, siyempre same advise na binibigay ko sa lahat ng batches ng StarStruck, di ba?
“Kumbaga, hindi lahat ng mga kabataan or lahat ng sumasali sa StarStruck ay nabibigyan ng opportunity para makapasok sa StarStruck, di ba?
“So lalo ngayon, sa panahon ngayon, ang dami nilang puwedeng paraan para mag-promote.
“Andiyan ang social media. Kami noon, wala!”
Wala pang FaceBook at Instagram noong batch nila ng StarStruck noong 2003.
Lahad pa niya, “Iba na yung mundo na iikutan nila ngayon.
“Madaling makapasok and at the same time, yung madaling makapasok na yun hindi rin madaling makalabas.
“So dapat, kapag kunyari napabalik sila para makasama sa final fourteen, huwag nilang sayangin yung opportunity na naibigay sa kanila.
“Kasi ang dami, ang dami sa mga kabatan ngayon na pag nakapasok, or alam mo yun, feeling nila iyon na yun, feeling nila okay na sila, na puwede na silang magkikilos ng kung anu-ano, di ba?
“Pero siyempre dapat nilang isiping mabuti kung ano talaga yung pinasok nila.
“Na hindi lang ito basta, ‘O, porke artista ka na feeling mo artista ka na agad!’
“Ang daming proseso niyan.
“I mean, di ba? Feeling natin kapag nakapasok tayo hawak mo na ang mundo.
“Hindi! Kahit naman kami nahirapan kami, di ba?
“Okay, siguro andun kami sa part na sasabihin nila, ‘O kayo, nandiyan pa rin kayo.’
“Kami nila Jen galing kami sa ibaba, e.
“Kumbaga para maging stable yung posisyon namin sa showbiz, talagang tinrabaho talaga namin.
“Kumbaga dun lang kami lamang.
“Lamang sila like sa social media, etc.—whatever.
“Dun lang kami nakalamang, na maganda na yung posiyon namin, na talagang kailangang gawin naming stable.
“So siguro, isa pang puwedeng sabihin sa kanila is mahalin nila yung ibibigay sa kanilang opportunity ng GMA.
“Kasi ang daming gustong mag-artista, ang daming gustong pumalit sa puwesto nila, ang daming gustong kumuha ng opportunity na nakuha nila...
“Na kumbaga, ako parang may mga sinayang akong oras, di ba?
“So huwag na silang… kumbaga, sila, kung kaya nilang huwag magsayang ng oras, mas mabuti.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Mark sa taping ng Bihag nitong nakaraang Martes, May 28, sa Marina-Iloilo, Oysters and Seafood restaurant sa Quezon City.
Gumaganap si Mark bilang si SPO1 Larry Pineda sa Bihag na napapanood sa GMA Afternoon Prime.
Anim na batches o season na ang StarStruck.
MOST SUCCESSFUL BATCH?
Ano ang masasabi ni Mark na ang batch pa rin nila ang sinasabing pinakasikat na batch ng StarStruck?
Pagpapasalamat niya, “Siyempre, I’m proud and happy!”
Ang ilan sa mga produkto ng season 1 ng StarStruck bukod kina Mark at Jennylyn ay sina Yasmien Kurdi, Rainier Castillo, Katrina Halili, Dion Ignacio, Cristine Reyes, Nadine Samonte, Jade Lopez (na co-star ni Mark ngayon sa Bihag) at Sheena Halili.
