Masuwerte ang mga millennial actors ng GMA-7 na nakasama sa pelikulang Family History dahil naranasan nilang makatrabaho ang comic genius na si Michael V.
Sa naganap na media launch ng Family History sa Novotel Manila Hotel in Quezon City, may kanya-kanyang pagpuri ang mga young stars na kasama sa pelikula ni Direk Bitoy.
Sang-ayon sa isa’t isa sina Bianca Umali, Miguel Tanfelix, Mikoy Morales, Nikki Co, Jemwell Ventinilla at Vince Gamad na hindi lang direktor ang turing nila kay Direk Bitoy kundi para na rin daw itong kuya at tatay nila sa set.
Ayon kay Miguel, “Masyadong concerned si Kuya Bitoy sa aming mga young actors ngayon. Isa sa sine-share niya ay yung maging maingat kami sa mga kinikita namin.
“Dapat matuto na raw kaming mag-invest habang sunud-sunod ang mga trabaho namin.”
Sabi naman ni Bianca, “Pinapaiwas din niya kami sa mga intriga. Hindi raw makakatulong sa pag-grow namin ang mga tsismis.
“It’s better daw na iwasan namin at maging professional kami. Matutunan daw naming ihiwalay ang personal at ang trabaho namin para walang problema.”
Thankful naman ang One Up member na si Nikki Co sa pagpili sa kanya ni Bitoy na mapasama sa cast ng Family History.
Pag-amin niya, “I think I was the last one to be cast sa movie. Natuwa naman ako kasi paborito ko si Kuya Bitoy noon pa.
“And being part of Family History is a blessing for me. Ever since I had my knee injury, matagal din akong nabakante sa work. Kaya forever akong thankful kay Kuya Bitoy for casting me sa movie na ito.”
Ang dating child actor ng GMA-7 teleserye na Mga Batang Yagit na si Jemwell Ventinilla ay labis ang pasasalamat kay Bitoy dahil isa siya sa pinakanta nito ng theme song ng Family History na “Ba’t Gano’n.”
“Band version po yung pinakanta sa amin ni Kuya Bitoy. Si Kuya Bitoy din ang sumulat ng theme song at may sariling version siya.
“Nung malaman niya na nakakakanta kami nila Miguel at Mikoy [Morales], pinagkatiwala niya sa amin yung song. Challenge po sa aming tatlo iyon at nagustuhan naman ni Kuya Bitoy yung version namin,” pagmamalaki niya.
Si Mikoy na marahil ang matagal nang nakatrabaho si Michael V. dahil sa sitcom na Pepito Manaloto at sa gag show na Bubble Gang. Marami raw siyang nadiskubre pang talent ni Bitoy.
Lahad niya, “May idea naman na ako dati pa kung paano si Kuya Bitoy mag-relay o mag-materialize ng mga concepts and ideas niya, pero ngayon ko lang nakita kung paano siya sa set na siya yung in control of almost everything, kasi usually as co-actor ko siya nakikita.
“Baby project niya ito, so kita mong sobrang excited siya and may pressure din--but in a good way.
“Memorable yung first shooting day namin kasi parang first time kong makitang mag-direct ng ganun si Kuya Bitoy.”