Nakatayo sa San Jose del Monte (SJDM), Bulacan ang bagong studio complex ng ABS-CBN.
Bilang kongresista ng SJDM, pabor si Congresswoman Florida Robes sa renewal ng franchise ng Kapamilya network.
“Of course, because there’s nothing wrong with that.
"Kung sa akin, to empower people, why not?” pahayag ni Congresswoman Robes sa media conference kamakailan para sa 19th Cityhood Anniversary at Tanglawan Festival 2019 ng SJDM.
Mag-e-expire ang franchise ng ABS-CBN sa Marso 2020.
“Actually, let’s wait. Kasi, nasa budget call kami, so doon kami [Congress] naka-focus.
“I think they applied for a renewal of license. So, yung pagdating doon, hanggang doon lang ang alam ko.
“Pero sabi naman ng ABS-CBN, they can find ways. Yun yung whatever.
"I don’t know, kasi I don’t meddle in what they do legally.
“Basta ako, I’m just here to support them pag nandito na sila,” paniniguro niya.
NO HEARINGS YET
Umuusad ba ang pagdinig para sa pag-aapruba ng permit ng ABS-CBN?
Lahad niya, “Wala pang progress, kasi wala pang hearing, e.
“I will check the committee. Kasi, hindi rin ako member ng franchise. So, I will check.”
IMPACT ON CITY'S TOURIST INDUSTRY
Aminado si Congresswoman Robes na magiging malaking tulong sa San Jose del Monte ang studio complex ng ABS-CBN.
“Oo, hindi lang sa amin. Sa buong turismo,” aniya.
Kapag di naaprubahan ang prangkisa ng ABS-CBN, ano ang mangyayari sa mga empleyado ng ABS-CBN na bumili na ng bahay sa SJDM?
“Ahh, we have to see and pray very well for this. Kasi, iyung estado kasi talaga, iyun ang hindi ko masagot, e.
“The proper people to answer that are the members of the committee,” pagklaro ni Congresswoman Robes.
NEED FOR CONGRESS' ENDORSEMENT?
Maaari bang maging daan si Congresswoman Robes sa Kongreso para magkaroon ng dayalogo ang management ng ABS-CBN, if needed?
“Oh, yes,” mabilis na tugon ni Congresswoman Robes.
“I am very much willing to help. Walang duda yun. Kaya lang siyempre, yung mga boss, e.”
Hindi ba siya nilapitan o kinausap ng management ng ABS-CBN?
“Ako naman kasi, they don’t need to discuss anymore.
"It’s automatic because yung empowerment, nandiyan, e.
"So, hindi na nila ako kailangang kausapin.
“Kusang-loob ko gagawin yun for them,” diin niya.
Posible bang maimpluwensyahan ang mga kasama niyang Kongresista para aprubahan ang permit to operate ng Dos?
Saad niya, “Ahh, pagdating sa influence, well, lahat kami, gusto.
"Kasi lahat naman kami, towards one purpose.
“Pero kung meron dahilan kaya hindi matutuloy, that we have to wait for pa.”
ECONOMIC BENEFITS OF FRANCHISE RENEWAL
Dating Congressman ng San Jose del Monte si Mayor Arthur Robes.
Pagkatapos ng kanyang termino sa Kongreso ay sumunod na nahalal ang kanyang misis na si Congresswoman Florida Robes.
“Alam mo, actually, nung congressman ako, I’m a member of the Franchise committee.
"So ako, gusto ko na talaga siyang mabigyan, ma-renew noong last term ko,” sabi ni Mayor Robes.
Ano ang pumigil sa kanya para gawin yun?
Paglinaw niya, “E, kasi siyempre kailangan ng clearance iyan from, you know, sa matataas.
"So, hindi natuloy yung pagbibigay ng franchise.
“Kasi, ako, as the Mayor of San Jose, gusto ko dahil magdyi-generate ng maraming income iyan, e.
“Saka maraming trabaho sa aming tao. Kaya gusto kong matuloy.
"Kaya hanggang ngayon, ang mga kaibigan natin from Congress, sinasabihan ko, ‘Baka naman puwede ninyong bigyan ng franchise. Para naman, hindi naman siguro, kung may personal mang galit or whatsoever, i-set aside.’
“Kasi, maraming tao ang mawawalan ng trabaho, sa totoo lang.
“And at the same time, maraming mabibigyan ng trabaho.
"Dahil alam mo, kapag nabigyan ng theme park ang ABS, ang pinag-uusapan nila, siguro, easily, mga dalawang libong empleyado.
“Biro mo, dalawang libong empleyado! Pati real property niyan, lalaki iyan!”