Nanibago si Gladys Reyes sa mabait niyang role bilang Dr. Elizabeth Ledesma sa GMA-7 afternoon teleserye na Madrasta.
Kuwento niya, “Sosyalin kasi si Doktora Elizabeth. Mala-Vicki Belo. E, si Dra. Belo, di mo nakikitang nagtataray sa TV, di ba?
“Pina-tone down ako rito ni Direk Monti [Parungao]. Medyo doon ako nahirapan, kasi usually, ang role ko, high-strung ako.
“Yung unang eksena ko pa lang, mataas na agad ang boses ko at may sinasampal na ako.
“Dito sa Madrasta, medyo light lang ang makeup natin para di mukhang matapang si doktora. 'Tapos, pinababaan sa akin yung boses ko.
“Pati yung kilay ko na pirming nakataas, e sinasanay ko nang huwag itaas masyado.
“Malaking change ito para sa mga nasanay na sa mga ginagampanan ko.
“Mahirap ang magpigil na magtaray, sa totoo lang. Hindi ako sanay.
“Pero bibigyan daw ako ng one big moment ni Direk Monti para maging halimaw! Hintayin ko na lang daw ang moment na iyon."
Ang kontrabida sa Madrasta ay sina Thea Tolentino at Almira Muhlach.
“Nagiging mataray lang si doktora kapag nakikita niya si Thea [who plays Katharine] dahil niloko nito ang anak ko na si Sean [Juancho Trivino] at ninakawan pa kami ng pera. Sino ba naman ang hindi magagalit sa kanya, di ba?
“Si Almira naman dito ang mother ni Thea na kasing maldita ng anak niya. Siya ang makakalaban namin dito ni Manilyn Reynes.
“In fairness kay Miray, kinakaya niya kaming dalawa ni Mane!" tawa pa ni Gladys.
ACTING SCHOOL FOR KONTRABIDAS
Dahil 35 years na sa showbiz si Gladys, nasa plano niya na magtayo ng acting school na ang specialty ay magturo kung paano maging effective na kontrabida sa TV at pelikula.
Paraan ito ni Gladys na i-share sa mga baguhang artista ang mga natutunan niya sa pag-arte bilang kontrabida.
Lahad niya, “Hindi ba't child actress pa lang po tayo, e kontrabida na ang ginagampanan ko?
“Maldita akong anak ni Vilma Santos sa Muling Buksan Ang Puso, at mataray akong young Lorna Tolentino sa Nakagapos Na Puso. 'Tapos sa Mara Clara, five years kong inapi-api si Judy Ann Santos.
“Kaya yung experience ko sa pagiging kontrabida ay sobrang lawak na.
“Tsaka ang pagiging isang kontrabida, hindi lang basta nagtaas ka ng kilay o nagtaray ka. Kailangan, may pinanggagalingan. May hugot din ang pagiging kontrabida.
“That's why gusto kong i-share iyon sa mga aspiring kontrabida ngayon. Kung hindi ka pambida, e di magkontrabida ka, di ba?"
BUCKET LIST PROJECT
Dream project ni Gladys na magsama-sama sa isang movie ang iba't ibang henerasyon ng mga kontrabida.
“Matagal ko nang gustong gawin ang makasama sa isang movie sina Ms. Celia Rodriguez, Cherie Gil, Jean Garcia, Eula Valdes at sa mga baguhan, gusto ko si Kyline Alcantara.
“Sayang at wala na si Ms. Bella Flores. Siya pa naman ang reyna namin.
“Yung magtatarayan lang kami sa buong pelikula. Magsasampalan kami, magsasabunutan. Gano'n lang para maloka ang mga tao sa amin.
“Yung medyo comedy siya, hindi seryoso. Para nakakatawa kapag nagtarayan na kaming lahat," tawa pa ni Gladys.