Nakakatawa nang bonggang-bongga ang dulang Wanted: Male Boarders, na nasa Set B ng 15th Virgin Lab Fest: Titibok-tibok (Hunyo 19-Hulyo 7 sa CCP).
Opening pa lang ay pasiklab na ang pag-indayog ng tatlong estudyanteng boarder sa Indang, Cavite, sa saliw ng kantang "Buwan" ni Juan Karlos “JK” Labajo.
Nakatuwalya lamang ang tatlong lalaki—ang dakilang virgin na si Marco (Ross Pesigan), ang cutie geek na si Ian (AJ Sison), at ang pwetmalu na si Andrew (Vincent Pajara).
Tumambling ang kanilang mundo sa pagdating ni Melody (Lance Reblando), ang boarder na bading.
MUST WATCH ang palabas na ito, lalo pa’t ika-50 anibersaryo ng Stonewall Riots sa Hunyo 28.
Mapangahas ang mga ganap sa pagitan nina Marco at Melody, umaapaw sa sarap.
Kikibut-kibot ang kanilang laman, at ibayong kilig ang hatid ng kanilang halikan.
Si Ross Pesigan ay gumanap bilang batang Tony Mabesa sa MMFF 2018 entry na Rainbow’s Sunset, kung saan maalab ang kissing scene nila ni Shido Roxas na gumanap naman bilang batang Eddie Garcia.
MOST DIFFICULT SCENE
Ano ang mahirap para sa kanya sa play?
“Mahirap, ahhm, actually, lahat po.
"First na ano, iyong style na ginamit... ahh, siyempre parang ina-unlearn ko po yung pinag-aralan ko na speech pattern,” lahad ni Ross nang makausap namin matapos ang una nilang pagtatanghal nitong Hunyo 20, Huwebes, sa Tanghalang Aurelio Tolentino (CCP Little Theater).
Alin ang pinakamahirap na eksena para sa kanya? Ano ang pinakamahirap gawin?
“Ahhm... yung... last part po na... given the lines na... very ano, very explicit na ... yung mga na-experience namin ni Melody, na kailangan ko siyang i-deliver na nagbe-breakdown ako.
“Iyon yung kailangan ko pong ihugot sa kailaliman ng pagkatao ko! Para mag-breakdown ako roon!” napapangiting bulalas ni Ross, na noong 2010 pa nag-umpisang umakting sa teatro.
Ito ba ang boldest role niya so far?
“So far, yes. Parang ito nga yung ano... ahh... parang cute nga, e!
"Parang yes, it is very bold, pero ang nagiging effect, parang it’s wholesome, e!
“Cute na ano... “
Buti, hindi siya ni-require na magbuyangyang din ng butt!
“Hindi naman kailangang gawin ng karakter ko, so... ayun na.”
KISSING SCENE WITH GAY ACTOR
Ang kissing scene...
“It was OK naman,” kaswal na tugon ni Ross.
“Si Lance kasi, matagal ko na siyang kilala. We’re good friends.
“So, parang nalampasan na namin yung hurdle na yun. We’re comfortable with each other.”
Ross Pesigan (left) and Lance Reblado
Napahalakhak si Ross nang uriratin namin kung maikukumpara ba niya ang halikan nila ni Lance sa halikan nila ni Shido sa Rainbow’s Sunset.
Lalaki si Shido, pa-gurl si Lance...
“Well, ahhm... may different textures, kumbaga!
"Pero OK lang both. They’re both fine.”
Manonood ba ng play ang girlfriend niyang si Angeli Bayani?
“Yes, pagbalik niya from Bacolod. Ngayon kasi, wala siya rito.
"May ginagawa siyang shoot doon for Erik Matti."
Masu-surprise ba si Angeli pag napanood siya sa dulang ito?
“I think so. Very much. Masu-surprise siya talaga,” matamis na pagngiti ni Ross.
Ang Wanted: Male Boarders ay idinirek ni George de Jesus III, mula sa panulat ni Rick Patriarca.
Ang mga natitirang pagtatanghal nito sa CCP Little Theater: Hunyo 23, Linggo, 3:00 PM; Hunyo 28, Biyernes, 8:00 PM; Hunyo 29, Sabado, 3:00 PM; Hulyo 3, Miyerkules, 8:00 PM; Hulyo 4, Huwebes, 3:00 PM; Hulyo 7, Linggo, 8:00 PM.