Naging biktima ng bandalismo ang isang mamahaling avant garde painting sa Russia na kabilang sa abstract art exhibition sa Boris Yeltsin Presidential Center, Ekaterinburg, Russia.
Napaulat ang insidente sa malalaking news outlets sa buong mundo noong February 10, 2022.

Ang painting na na naka-insure sa halagang US$1 million (PHP51,302,000) ay ang Three Figures na obra ni Anna Leporskaya, isang premyadong Soviet artist.
Kabilang sa kanyang mga awards ang Honored Artist of the RSFSR at Repin State Prize.
Pumanaw siya noong March 14, 1982 sa edad na 82.
Tinatayang iginuhit niya ang Three Figures sa pagitan ng 1932 at 1934.
Ang mga mukha sa Three Figures ay walang mga mata.
Sinabi ni Anna Reshetkina, ang curator ng exhibit, na may nag-drawing ng mga mata sa mamahaling painting gamit ang “Yeltsin Center-branded pen.”
"BORED" NA SECURITY GUARD ANG CULPRIT
Natukoy na mismong ang security guard na nakatalaga sa exhibit ang may kagagawan ng bandalismo.
Naaresto na ito noong December 2021.
Batay sa naunang imbestigasyon, “bored” umano ang nasabing security guard kaya nilagyan nito ng mga mata ang two figures sa painting.
Napag-alaman ding ito ang una niyang araw ng pag-duty.
Hindi muna pinangalanan ni Alexander Drozdov, executive director ng Yeltsin Center, ang nasabing guwardiya pero nagtatrabaho aniya ito sa isang private security company.
Tinanggal na rin siya sa trabaho.
MALAKI ANG MAGAGASTOS SA RESTORATION
Unang napansin ang bandalismo sa painting noong December 7, 2021 ng dalawang bisita. Ipinagbigay-alam nila iyon sa isang empleyado ng gallery.
Ibinalik na ito sa State Tretyakov Gallery sa Moscow, na siyang nagpahiram ng painting.

Matapos masuri ng isang art expert, sinabi nitong madali namang mabubura sa painting ang tinta ng ballpen na ginamit sa pagdo-drawing ng mga mata.
Hindi rin naapektuhan ang brush strokes.
Gayunpaman, sa tantiya ng mga restoration experts sa Tretyakov, aabot sa US$4,600 (PHP236,009.90) ang magagastos para maalis ang ballpen ink sa painting.
Sinisimulan na ang restoration nito.
SECURITY GUARD INAKALANG DRAWING NG BATA ANG MAMAHALING PAINTING
Noong February 11, iniulat ng Russian local media na ang security guard na naglagay ng mga mata sa Three Figures ay nakilalang si Aleksandr Vasiliev, 63.
Isa itong decorated veteran ng Afghan and Chechen wars.

Sa panayam kay Aleksandr ng journalist na si Elena Pankratieva, akala umano niya ay drawing ng bata ang 20th-century artwork.
Nagoyo lang daw siya ng mga teenagers na nasa exhibit para lagyan iyon ng mga mata.
Aniya, “I watched how people were reacting, and saw that 16-to-17-year-old kids are standing, discussing why there are no eyes, no mouth, no beauty!
“There were girls in the group, and they asked me: ‘Draw eyes, you work here.’”
Tinanong umano niya ang mga teenager kung ang mga ito ang gumawa ng painting.
“They said: ‘Yes.’ They gave me a pen. I drew the eyes. I thought it was just their childhood drawings!”
Gayunpaman, walang nakita sa security camera footage kung may mga nakausap ngang teenagers si Aleksandr.
Nilagyan na ng protective screens ang iba pang artworks na naka-display sa Yeltsin Center para hindi na maulit pa ang insidente.
Nahaharap si Aleksandr sa tatlong buwan na pagkakakulong, at pagbabayarin ng danyos.
