Sold-out ang mga tiket sa unang linggo (Hunyo 16-19, 2020) ng The Virgin Labfest 17: Hinga (VLF 17) sa Tanghalang Huseng Batute ng Cultural Center of the Philippines (CCP), Pasay City.

“Nagpapatunay lang na marami nang taong nakaka-miss ng mga ganitong kalakaran!” bulalas ni Bibeth Orteza nitong Hunyo 17, Biyernes ng hapon sa CCP.

Ang VLF ay festival ng untried, untested and unstaged plays, o mga dulang hindi pa naitatanghal.
Dalawang taon na naging online ang editions nito dahil sa COVID-19 pandemic. Balik-Batute ito ngayong 2022.
“It’s not actually naman the first time na ginawa ko ito,” sambit ng beteranang artista at manunulat matapos mapanood ang mga dula sa unang dalawang araw ng VLF 17.
“Kasi usually, lahat ng nadadaluhan kong Virgin Labfest, binubuo ko talaga. Yung lahat ng sets na puwede.
“Hindi lang ako sanay na ganito kakonti. Dahil dati, nung wala pang online, eight performances each ang mga play.”
Tatlong linggo dati ang festival. This year ay dalawang linggo lang, at tig-aapat lang ng performances ang bawa’t dula.
Pagpapatuloy ni Bibeth, “But it’s great to see these people again. Yung naka-mask nga lang dun sa loob ng Batute.
“But it’s a great feeling na parang may activity na nag-start na. At parang umuusbong muli ang buhay sa teatro.”
* * *
Kabilang sa labindalawang (12) dula ng VLF 17 ang Bituing Marikit na sinulat ni Bibeth.

Kasama ito sa Set A, na itinanghal noong Hunyo 16, Huwebes ng 2:00 pm at 7:00 pm. Sa Hunyo 25, Sabado ang dalawa pang pagpapalabas nito.
Sa kuwento, pumanaw ang ikalawang asawa ni Allan (Gie Onida) na si Carmela. Dinala ni Allan sa morgue ang mga labi ni Carmela habang inaawit ang kundiman na Bituing Marikit.
Umalis si Allan upang bumili ng paboritong lipstick ni Carmela. Saka naman dumating ang tatlong anak ni Allan sa unang asawa, sina Peping (JV Ibesate), Bok (Earle Figuracion) at Butching (Joshua Tayco).
Ibinunyag ng panganay na si Peping sa bunsong si Butching kung bakit malayo ang loob niya sa kanilang madrasta.
Ito ang kauna-unahang dula ni Bibeth na ipinalabas sa VLF. Ang direktor nito ay ang asawa niyang si Carlitos Siguion-Reyna.
“Si Carlitos, nakapagdirek na noong 2017, at saka… 2018, or 2019. So ito, pangatlo na niya,” pagkunot-noo ni Bibeth.
Simple at diretso ang daloy ng Bituing Marikit, salat sa mga gimik at samu’t saring payanig. Madaling intindihin, at agad tumitimo sa puso.
“Intentional naman yun. Kasi, simple ang istorya, na ang punto lang naman is love will always win,” pagngiti ni Bibeth.
* * *
Ano ang inspirasyon sa kuwento ng Bituing Marikit?
“Yung pagmamahal ni Mel Chionglo para sa mga anak-anakan niya,” mabilis na tugon ni Bibeth.
“At kung paano rin ibinalik ng mga bata yung pagmamahal na iyon ni Mel sa kanila.
“Yung isa sa mga anak-anakan ni Mel, inaanak ko sa kasal.”
Si Mel Chionglo ay premyadong direktor at production designer na pumanaw noong Setyembre 21, 2019.
Kabilang sa mga pelikulang idinirek ni Mel Chionglo ang Playgirl (1981), Company of Women (1985), Nasaan Ka Nang Kailangan Kita (1986), Paano Kung Wala Ka Na? (1987), Hot Summer (1990), Nagsimula sa Puso (1990), Lucia (1992), Loretta (1994), Lahar (1996), Lagarista (2000), Lauriana (2013) at Iadya Mo Kami (2016).
Dagdag ni Bibeth, “Ang nagkuwento sa akin ng kuwentong ito ay isang tiyuhin ko sa Samar. Siya ang nagkuwento sa akin na may nangyaring ganito…
“Na may namatay, at noon lang nalaman ng komunidad na yun na nga, yun ang kuwento.
“Ayoko munang sabihin at kailangang panoorin nila. But always, ang point nga is… ang hanap ay pagmamahal.”
* * *
Nanood ng unang pagtatanghal ng Bituing Marikit ang anak nina Bibeth at Direk Carlitos na si Rafa Siguion-Reyna. Natuwa ba si Rafa?

“Si Rafa kasi dapat yung role ni Bok. Kaya lang, ginawa niya yung Cattleya Killer for ABS-CBN International,” salaysay ni Bibeth.
“E, blond ang buhok niya. E, para namang hindi naman bagay na blond siya.
“Isang beses, si Rafa at ang girlfriend niya, nasa IKEA, nakita nila si Earle Figuracion, yung pumalit sa role, and nakasama nila sa Saturday Night Fever (2015).
“Si Rafa mismo ang nag-suggest. ‘Hey, Earle!’ sabi niyang ganun. ‘My parents are doing this play, ganyan, baka you want to try.’
“So, sa kanya napunta yung role.”
Kasama si Direk Carlitos sa cast ng Kapuso afternoon drama series na Apoy sa Langit. Paano niya naisingit ang pagdidirek ng Bituing Marikit? Via Zoom?
“Hindi! Siya naman actually ang nagdirek ng mismong actual direction. Kasi nagkaroon siya ng break dun sa Apoy sa Langit,” paglilinaw ni Bibeth.
“Ang music rehearsals, ginawa sa bahay. Na ang drama ko, hindi lang ako playwright — ako ang cook.
“Bale ang dress tech lang ang hindi niya inabot, at nandun pa siya sa location ngayon.
“At mapapanood niya ito sa last day.”
* * *
Ano ang mensahe niya para sa mga gustong manood ng Virgin Labfest 17?
“Suportahan natin ang mga dula na iba-ibang klase, ‘no? Maaaring hindi ninyo magustuhan lahat,” sagot ni Bibeth.
“Pero lahat ay worth it na panoorin para malaman natin yung pagpapatuloy ng creative process.
“Kasi, as usual naman, sa mga ganitong sitwasyon, ahhm, laboratory phase… you can’t please everybody.
“But there’s a little bit of something for everyone.”
Bahagi rin ng produksyon ng Bituing Marikit sina Allie Eguia (set design), Roman Cruz (lighting design), TJ Ramos (sound design), Michael Carteciano Maguigad (poster design) at William Guillermo (stage management).
Kagrupo ng Bituing Marikit sa Set A ang Mga Balo ni Ma. Cecilia de la Rosa, sa direksyon ni Adrienne Vergara; at Walang Bago sa Dulang Ito ni Eljay Castro Deldoc, sa direksyon nina J. William Herbert Sigmund Go at Tess Jamias.
Ang Mga Balo ay tungkol sa Manunulat (Alon Segarra) na may writer’s block, at sa dalawang biyuda (Pau Benitez at Skyzk Labastilla) na ang kani-kanyang asawa ay natokhang.
Ang Walang Bago sa Dulang Ito ay tungkol sa scientist na si Hija (Claudia Enriquez) na biktima ng sexual harassment. Ang karanasan niya ay may parallelism sa pinag-aaralan niyang millipedes.
Ang tatlong dula sa Set B na itinanghal noong Hunyo 17, Biyernes ay Liberation ni Jerry O’Hara, sa direksyon ni Dennis Marasigan; Absurdo: Event Day ni BJ Crisostomo, sa direksyon ni Mara Agleham; at Nay, May Dala Akong Pancit ni Juan Ekis, sa direksyon ni Karl Alexis Jingco.
Pebrero 1945 ang setting ng Liberation, at pangunahing tauhan dito ang tatlong Hapon na sina Haruto (Chrome Cosio), Daiki (Bong Cabrera) at Jiro (Karlo Erfe). Matatas at matalas ang kanilang pagta-Tagalog.
Magugunaw na ang mundo sa Absurdo: Event Day. Umaatikabo ang mga hanash at kuda ng dalawang project coordinator (Thea Marabut at Io Balanon) sa End of the World Party.
Kagaya ng Bituing Marikit, matimbang na mapili para sa “Revisited” set next year ang Nay, May Dala Akong Pancit.
Nasa existential loop si Mae (Manok Nellas-Bagadiong) at ang kanyang kuya (Lian Silverio). Paborito ng kanilang nanay (Mia Bolaños) ang pancit.
May kung anong hiwaga ang pancit, na tila ba ito ang sanhi ng pagkatigok ng kanilang nanay na nagdiriwang ng kaarawan.
May maitutulong ba ang Grab delivery boy (Tommy Alejandrino) upang makaligtas sa kamatayan ang birthday girl?
Magpapakitang-gilas sa Set C na palabas ngayong Hunyo 18, Sabado ay Student’s Handbook ni Anthony Kim Vergara, sa direksyon ni Erika Estacio; Unica Hijas ni Mikaela Regis, sa direksyon ni Pat Valera; at Punks Not Dead ni Andrew Bonifacio Clete, sa direksyon ni Roobak Valle.
Tampok sa Set D na palabas bukas, Hunyo 19, Linggo ang Huling Haraya nina Ischia at Emeteria ni Ryan Machado, sa direksyon ni Regina de Vera; Bienvenuta al Lido di Venezia ni George Vail Kabristante, sa direksyon nina Nanding Josef at Antonette Go; at Fermata ni Dustin Celestino, sa direksyon ni Guelan Luarca.
