Mag-uuwi ng isang milyong piso ang tatanghaling kampeon sa gaganaping MassKara Festival sa Bacolod City na magsisimula sa October 1 at magtatapos sa October 23, 2022.
Ito na ang pinakamalaking papremyo sa kasaysayan ng MassKara Festival.
Nitong September 22 ay nasa 17 barangay na ang nagpatala para sa sikat na street-dancing competition.

Kinumpirma na rin ng defending champion na Barangay Estefania ang muli nitong paglahok para ipagtanggol ang korona.
Sa ulat ng Philippine News Agency, ibinahagi ni Konsehal Jason Villarosa, chairman ng City Council committee on tourism, na ang festival organizer na Bacolod Yuhum Foundation Inc. ay nagkakaloob ng financial assistance na PHP500,000 sa bawat barangay na kalahok para may panggastos sa costumes at pag-eensayo.
Ngayong taon, ang kumpetisyon ay gaganapin sa mas malaking venue: Paglaum Sports Complex.
Sa mga nakalipas na panahon, isinasagawa ang Masskara Festival sa Bacolod Public Plaza.
Ang ika-43 na edisyon ng ay may temang “Balik Yuhum” na nangangahulugan na “ibalik ang ngiti.”
Ito ay bilang pagtukoy na rin sa tagline ng Bacolod na “City of Smiles.”
Ang Balik Yuhom (Smile Again), na official theme song ng festival ay inawit ni Darren Espanto.

Kasama naman sa official video si Sue Ramirez, na isang Negrense.
Nag-post pa sa kanyang Instagram account ang binata ng larawan nila ni Sue habang kumakain.
Ang kanyang caption: "Bacolod, it’s time to smile again!
"It’s both a privilege and honor to be chosen to sing the theme song of this year’s Masskara Festival! Thank you po! Had a great time shooting with @sueannadoodles and the whole team! Balik Yuhum, Bacolod!
"Here are a few pics and vids behind the scenes from our shoot pero feeling ko talaga food trip yung ginawa namin ni Sue. Sooo many great places to eat!"
Ang MassKara Festival ay isa sa pinakapopular na tradisyon sa Bacolod.
Nagsimula ito noong 1980, kung kailan dumanas ng krisis ang lungsod.
Bagsak noon ang ekonomiya ng Bacolod dahil sumadsad sa pinakamababa ang presyo ng asukal na siyang pangunahing produkto nito.
Lumubog din sa dagat ang MV Don Juan noong April 22, 1980, at nasawi ang 176 pasahero nito lulan ang maraming taga-Bacolod. Ang iba ay hindi na nakita.
Para muling pasiglahin ang mga taga-Bacolod at ibalik ang ngiti sa kanilang mga mukha, sinimulan ang MassKara Festival.
Ang mga nakangiting maskara na suot ng mga dumadalo sa festival ay nagpapakita na naka-survive ang mga taga-Bacolod sa mga pagsubok at trahedya na kanilang kinaharap.
Ang MassKara Festival ay isa ring malaking tourist attraction sa lungsod, at inihahalintulad sa Rio Carnival ng Brazil.
