Inaresto ang dalawang aktibistang gumamit ng superglue at idinikit ang mga kamay sa obra ng pamosong Spanish painter ni Pablo Picasso.
Naka-display ang Massacre in Korea painting ni Picasso sa National Gallery of Victoria sa Melbourne, Australia.
Natapos ito ni Picasso noong January 1951 para ihayag ang pagkondena niya sa intervention ng U.S. sa Korean War.
Ang painting ay larawan ng mga hubad na kababaihan at mga bata sa harap ng firing squad.

Ang prized painting ni Pablo Picasso na Massacre in Korea
Ayon sa Museu Picasso de Barcelona, ang naturang obra ay, "one of Picasso’s most important pacifist works in defense of human rights, beyond ideologies and sides."
Ang dalawang aktibista ay mga miyembro ng Extinction Rebellion at gumawa ng eksena sa gallery noong Linggo, October 9, 2022.
Bahagi umano ito ng panawagan ng Extinction Rebellion sa lahat ng mga gobyerno, korporasyon, at institusyon para ma-address ang krisis sa climate change.
Ang Extinction Rebellion ay isang global environmental movement na nagpoprotesta sa pamamagitan ng nonviolent civil disobedience.
Sabi ng isa sa mga aktibista na si Tony Gleeson, ilang buwan pinagplanuhan ang hakbang nilang ito at hindi sila nahirapang isakatuparan.
"It doesn't take long to put glue in your hands and stick it on that piece of Perspecx [shield]. It's not hard," aniya sa panayam ng 7NEWS Australia.
Read also: "Bored" security guard nilagyan ng mga mata ang painting na worth PHP50M
PANAWAGAN KONTRA CLIMATE CHANGE
Naganap ang protesta bago mag-ala una ng hapon, ayon sa police report.
Isa sa mga aktibista ay 49 anyos na babae mula sa New South Wales, habang ang isa pa ay si Gleeson, 59 anyos na retired teacher mula sa Footscray.
Sa mga kumalat na video, makikita ang dalawang aktibista na hawak ang painting, at sa sahig ay may katabi silang sign na ganito ang nakasulat: “climate chaos = war + famine.”
Ang isa naman ay sumisigaw ng: “Stop coal, stop gas, stop oil, stop logging.”

Makalipas ng higit isang oras ay natanggal ang pagkakadikit ng mga kamay sa shield ng painting gamit ang acetone.
Paliwanag ni Brad Homewood, spokesperson ng activist group, alam nilang hindi mada-damage ang mismong painting sa demonstrasyon nila dahil mayroon itong protective Perspex shield.
Gumamit ng acetone ang isang conservator ng gallery para ma-dissolve ang superglue at matanggal ang dikit ng mga kamay ng aktibista sa Perspex shield ng painting.
Ayon sa police report, natanggal ang pagkakadikit ng mga kamay ng aktibista sa painting bandang 2:00 p.m.
Inaresto ang mga nagprotesta at dinala sa pulisya for questioning, pero napalaya rin nang walang kaso.
“The protesters’ hands were safely removed from the perspex with no harm to the work,” ayon sa statement ng gallery.
“Police escorted the protesters off the premises and the exhibition space was reopened to the public by 2:30 p.m.”
