Kakaiba ang mga likhang sining ni Denis Fernandez, 55, ng Pozorrubio, Pangasinan.
Gawa ang mga ito sa scrap metals mula sa kanyang pagtatrabaho bilang mekaniko.
Ang kanyang mga obra ay mga hayop, iba’t ibang pigura, mga nilalang mula sa mitolohiya, at mga tauhan sa Bibliya.

Pahayag niya sa panayam sa kanya ng Philippine News Agency noong February 23, 2023, sinimulan niya ang kanyang hobby noong 2016.
Kuwento niya, “Bata pa ako gusto ko nang gawin ito.
“Kaya lang, mahal yung pang-welding, ‘tapos mahal pa ang kuryente."
READ ALSO: Art piece worth PHP2.3M, aksidenteng nabasag ng isang ale sa exhibit
Naibahagi rin niya na nag-aral siya ng architecture sa college.
Hindi siya nakapagtapos dahil sa problemang pinansiyal.
Sa halip, tinuruan siya ng kanyang ama kung paano magkumpuni ng mga sasakyan.
READ ALSO: Kalinga breaks world records for “largest gong ensemble and banga dance"
Nagsimulang nabuhay muli ang interes niya sa scrap metal art nang magtrabaho siya sa isang car assembly factory sa Japan.
Aniya, manghang-mangha siya kung paano nabubuo ang mga kotse sa factory na pinagtrabahuhan niya.
Para aniyang nagbubuo ng mga puzzles, at pag napagkabit-kabit na ang mga piraso ay napakaganda ng kinalalabasan.
Sa kanyang Facebook post last February 9, ibinahagi ni Denis na noong 2007 ay umuwi na siya sa Pilipinas buhat sa pagtatrabaho sa Japan. “Namatay po si Papa ko kaya umuwi na ako.
“Pero di na ako nakabalik [sa Japan] kaya for good na po hanggang sa ngayon.”
Noong 2016, sa wakas ay nakabili siya ng welding machine.
“Ang pinakauna kong ginawa ay agila. Mahilig kasi ako sa nature kaya kadalasan tungkol sa nature ang ginagawa ko.”

Suwerte naman kung ituring ni Denis na nasimulan niya ang kanyang hobby bago nagkaroon ng pandemic.
Kaya noong panahon ng lockdown, lalo niyang hinasa ang kanyang skills.
“Malaking tulong kasi nung pandemic. Mas marami akong nagawa.”
At dahil abala siya sa kanyang hobby noong pandemic, malaking tulong ito sa kanyang mental health.
“Marami ang nade-depress nun dahil sa nangyari at walang magawa sa bahay.
“Pero ako mayroon akong pinagkaabalahan.”
READ ALSO: Makadurog-puso! Drawing ng anak sa work-from-home sitwasyon nila ng ina

READ ALSO: Painter Elito Circa, sariling dugo ang gamit sa mga obra
Ang kanyang hobby rin ang kanyang paraan kung paano mase-save ang kapaligiran.
Ang mga itinatapong basurang bakal ay nagagawang niyang likhang sining na dapat ingatan.
“Kaysa ibenta ng mura yung mga scrap, nagiging display sa bahay or sa garden."
Nakagawa na si Denis ng mahigit 100 scrap metal art pieces.
Ang ilan sa mga ito ay nabenta niya, at ginagawa rin niyang panregalo sa mga kamag-anak at kaibigan.
“Sana may ma-inspire din ako sa ginagawa ko, kasi ako, nag-e-enjoy talaga.”

Binabalikan din ni Denis ang iba pa niyang talent sa art, at sinusubukan muling gumawa ng charcoal painting.
Aniya, “Year 1988 pa yung last na nakahawak ako ng lapis. Third-year architecture po ako noon, ‘tapos stop na po.
“Sa ngayon po, year 2023, sinusubukan ko ulit.”

Aminado siyang hindi na gaya noong estudyante pa siya ang kanyang hagod.
“Parang wala na yung dati noon. Pero praktis na ulit ang gagawin ko habang wala pa akong obra sa welding.”
Pagtitiyak naman niya sa kanyang mga kliyente, “One hundred percent na scrap metal art pa rin po tayo.”
Payo niya sa mga may passion sa art kahit may edad na, “Laban pa rin po tayo. Huwag tayong panghinaan ng loob habang buhay at medyo malakas pa tayo.”
